(NI BERNARD TAGUINOD)
UPANG masiguro na matulungan habang buhay ang mga naturukan ng dengvaxia, isang panukalang batas ang ihinain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para sa mga ito.
Sa ilalim ng House Bill (HB) 8828 na inakda ni Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado, nais nito na magkaroon ng batas para sa libreng pagpapagamot sa mga nabigyan ng dengvaxia vaccines.
Noong panahon ni dating pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III bumili ng dengvaxia vaccines na naghahalaga ng P3.5 bilyon para protektahan ang mga tao lalo na ang mga bata sa dengue.
Dahil dito, umabot sa 830,000 na karamihan ay ang mga bata mula sa mga public schools ang naturukan ng dengvaxia lalo na sa Central Luzon, Calabarzon, Metro Manila at Cebu.
“The purpose of this act is to provide healthcare for those who were administered and adversely affected by the health hazard caused by the Dengvaxia vaccine, ” ani Sy-Alvarado.
Naging kontrobersya ang nasabing bakuna matapos aminin ng Sanofi Pasteur na may masamang epekto ito sa mga taong hindi pa nagkakaroon ng dengue lalo na noong sunod-sunod ang pagkamatay ng mga nabakunahan at isinisi dito ang kanilang pagkamatay.
Kamakailan lang ay inirekomenda ng House Committee on Good Government and Public Accountability at House Committee on Health na kasuhan ng criminal at administrative case si Aquino kasama sina dating Budget Secretary Florencio Abad, dating Health Secretary Janette Garin, at mga opisyal ng Philippine Children’s Medical Center (PCMC) dahil sa Dengvaxia controversy.
Gayunpaman, kailangan pang aprubahan sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang rekomendasyon ng nabanggit ng mga komite bago ito iimplementa.
107