(NI ABBY MENDOZA)
BUKOD sa sigarilyo kailangan din na malagyan ng health warning ang mga inuming nakalalasing para magsilbing babala sa masamang epekto ng alak.
Sa House Bill 4059 na inihain ni Muntinlupa Rep. Rufino Biazon inoobliga ang mga gumagawa ng alak na maglagay ng health warning label sa kanilang produkto.
Sakop din ang mga establisyimentong nagbebenta ng mixed alcohol beverages tulad ng cocktails na ilalagay ang warning sa kanilang menu.
Tinukoy ni Biazon ang datos ng World Health Organization na nagsasabing tatlong milyon kada taon sa buong mundo ang namamatay dahil sa masamang epekto ng alak, may 200 klase ng sakit ang makukuha sa sobrang pag-inom ng alak.
Dahil addicting ang alak ay malaki rin ang koneksyon nito sa mental at behavioral disorders gayundin sa pagkakaroon infectious diseases gaya ng tuberculosis at HIV/AIDS.
Hindi tulad ng sigarilyo na ang naaapektuhan lang ay ang mga smoker at ang nakasisinghot ng usok na malapit sa kanila, ang alak ay puwedeng makadisgrasya o makapatay ng iba kung sa kalasingan ay nakadisgrasya o nakagawa ng krimen.
“Government must be consistent in how it deals with what is determined to be harmful to people. So if we have placed health warnings on cigarettes, so should we do the same for alcohol,”giit ni Biazon.
Sa oras na maisabatas ang mga lalabag ay maaaring maharap sa multang P1 milyon sa unang paglabag; P2 milyon sa ikalawa at P3 milyon sa ikatlong paglabag bukod pa sa pagbawi sa kanilang lisensya.
135