HEROES WELCOME PARA SA PH CONTINGENT MULA TÜRKIYE

BINIGYAN ng “heroes welcome” ang 82 man Philippine contingent na ipinadala sa Turkiye para tumulong sa disaster response sa mga naging biktima ng magnitude 7.8 earthquake doon.

Ginanap ito kamakalawa ng gabi sa pagbabalik sa Pilipinas ng 82 miyembro ng search and rescue team na ipinadala ng pamahalaan sa nasabing bansa para sa isang mahalagang misyon.

Tinawag naman bayani ng Turkish government ang RP contingent.

“They have gone through a lot, they have been to a very difficult place. They have been witnesses to great human suffering, so it was not easy but they worked tirelessly and they represented the Philippines in a very exemplary manner. They have saved lives, they brought hope to many people. So we are deeply grateful for the contribution of the Philippines,” pahayag ni Turkish Ambassador to the Philippines Niyazi Akyol na kasamang sumalubong sa delegasyon.

Sinaluduhan at isa-isang kinamayan ang mga rescuer nina Department of National Defense Secretary Carlito Galvez Jr., kasama sina Office of the Civil Defense Asec. Raffy Alejandro, Metropolitan Manila Development Authority Chairman Romando Artes, Turkish Ambassador Akyol, AFP chief of staff LTGEN Andres Centino at iba pang key officials mula sa Department of Foreign Affairs, at Department of Health.

Ayon kay Office of the Civil Defense (OCD) Asec. Raffy Alejandro, sasailalim sa psychosocial debriefing ang grupo.

“They will undergo a debriefing session, io-organize natin yan. ‘Yung buong team magkaroon ng debriefing psychosocial intervention, and of course, sa pagbigay na rin ng pagkilala at pasasalamat sa kanila,” ani Alejandro.

Sinasabing naging malaking tulong din ang karanasan sa humanitarian mission ng Philippine contingent bilang paghahanda sa mga posibleng sakuna sa bansa.

Sa nasabing misyon ng grupo sa Adiyaman, Turkey na isa sa lubhang naapektuhan ng lindol ay nasa 36 na mga gumuhong gusali ang ininspeksyon ng mga ito kung saan narekober ang anim na labi at nilapatan ng lunas ang nasa mahigit isang libong pasyente na nasaktan din sa trahedya.

Aniya, ang karanasang ito ng ating PH contingent ay malaki ang maitutulong sa paghahanda ng bansa sa posibleng sakuna.

Sa ngayon ay inihahanda naman ng Department of Foreign Affairs ang tulong pinansyal na ipadadala ng bansa para sa mga naapektuhan din ng magnitude 7.8 na lindol sa Syria. (JESSE KABEL RUIZ)

30

Related posts

Leave a Comment