MAHIGIT 600,000 deactivated voters ang nag-apply ng reactivation para sa 2025 national and local elections (NLE), ayon sa Commission on Elections (Comelec) nitong Miyerkoles.
Sinabi ni Comelec Spokesperson John Rex Laudiangco, mula sa 6.4 million applications na natanggap ng komisyon, 3.3 milyon nito ang nadagdag kung saan 2.6 milyon ang bagong botante at mahigit na 600,000 ang nagpa-reactivate.
Ayon kay Laudiangco, inaasahan na sa dalawang linggo na nalalabi para sa registration ay mas darami pa ang mag-apply bilang bagong rehistradong botante lalong-lalo na ‘yung mga na-deactivate.
Ang deadline para sa online na aplikasyon para sa muling pagsasa-aktibo ay pinalawig mula Setyembre 7 hanggang Setyembre 25, 2024.
“Ang proseso sa pag-reactivate ay pareho ng iba’t ibang klase ng application. Ang kanilang application ay ipapaskil sa iba’t ibang bahagi ng lungsod, o bayan,” ayon kay Laudiangco.
Ang pinakahuling data mula sa poll body ay nagpakita na ang bilang ng mga na-deactivate na botante para sa 2025 May elections ay nasa 5,376,630 noong Setyembre 11.
Ang mga dahilan para sa pag-delist ay ang hindi pagboto sa dalawang magkasunod na naunang regular na halalan, sa pamamagitan ng utos ng hukuman, pagkawala ng pagkamamamayang Pilipino, at pagkakaroon ng mga ‘di-wastong dokumento.
Samantala, inulit ni Laudiangco ang panawagan ng poll body para sa deactivated voters na mag-apply para sa reactivation. Maaari silang mag-apply online hangga’t mayroon silang kumpletong biometrics sa lokal na tanggapan ng Comelec kung saan sila nagparehistro. (JOCELYN DOMENDEN)
37