(NI BERNARD TAGUINOD)
LALAGPAS na sa 7,000 ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na tinamaan ng wala pang lunas na sakit na Human Immunodeficiency Virus (HIV) bago matapos ang taon.
Ito ang nabatid sa grupong ACT-OFW Coalition and Organization matapos umabot sa 444 OFWs ang naidagdag sa listahan ng mga nagkaroon ng HIV mula Enero hanggang Mayo 2019.
Mas mataas ito ng 21% sa 369 na biktima na nairekord sa kaparehong panahon noong 2018 bagay na labis na ikinababahala ng grupo dahil indikasyon nito na patuloy na dumarami ang natatamaan ng nasabing sakit.
Mula 1984 hanggang Mayo 2019, pumalo na sa 6,699 OFWs ang nagkaroon ng HIV at kung hindi mapigilan ang pagdami ng mga ito ay posibleng lalagpas na umano sa 7,000 ang bilang ng mga ito bago matapos ang taong kasalukuyan.
Ang nasabing bilang ng mga OFWs na nagkaroon ng nasabing sakit ay katumbas ng 10% sa 67,395 Filipino na nagkaroon nito at naitala ng Department of Health (DOH) mula noong 1984.
Sa bilang ng mga mga OFWs na nagkaroon ng HIV, 2,157 dito ay nakabase sa Metro Manila; 1,162 ang galing sa Calabarzon o Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon provinces at 790 naman ang taga-Central Luzon.
Kinabibilangan ito ng 5,792 kalalakihan kung saan 72% sa mga ito ay nakuha ang sakit sa pakikipagtalik sa kapwa lalake habang ang natitira ay nakipagtalik sa babae at lalake.
“We would urge returning OFWs who suspect that they may have acquired HIV while working abroad to get themselves tested and treated early, so that they can continue to live economically productive and healthy lives,” panawagan ng grupo sa mga OFWs.
144