Hiring ng teachers nagawa nina PNoy, PDu30 – solon NPA ‘DIVERSION’ NI SARA SA PROBLEMA SA EDUKASYON

MISTULANG ginagamit ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte ang sinasabing pang-aatake ng New People’s Army (NPA) para iiwas ang usapin sa problema sa edukasyon.

Sinupalpal ng kinatawan ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) party-list na si Rep. France Castro si Duterte sa kanyang pahayag na ‘hindi makatotohanan at imposible” ang mungkahi ng nasabing grupo sa pagkuha ng karagdagang 30,000 guro kada taon hanggang 2028.

Naniniwala si Castro na iniiwas ni Duterte ang usapin sa kakulangan ng guro at silid-aralan na nagpapalala sa kalagayan ng edukasyon sa bansa nang pagbalingan nito ang grupo sa pag-atake umano ng NPA sa Masbate na naging dahilan para maapektuhan ang pag-aaral ng mga estudyante sa nasabing lalawigan.

Ayon sa dating guro na si Castro, lehitimo ang kanilang panawagan kay Duterte at hindi umano nito dapat sabihin na imposible at hindi ito makatotohanan dahil nagawa ito ng dalawang nakaraang administrasyon.

“In fact, the past two administrations were able to get near these targets as the Aquino administration hired an average of 29,166 teachers per year and even the administration of the current vice-president and concurrent Department of Education (DepEd) secretary’s father was able to hire 25,000 teachers per year,” panunupalpal ni Castro kay Duterte.

Ipinaliwanag ng mambabatas na mahalagang mapunan ang kakulangan ng mga silid-aralan at mga guro dahil dumarami ang mga estudyante kada taon at lalong lalala ang problema kapag inisip ni Duterte na imposible ang demand ng public school teachers.

Hindi aniya uubra ang blended learning sa pangmatagalan dahil pinapasa lang ng DepEd sa mga magulang ang responsibilidad ng pagtuturo bukod sa hindi ito angkop na sistema ng edukasyon sa bansa.

“Ilang taon na ring panawagan ito ng ACT Teachers party-list at ang pangmasang organisasyon na Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines sa mga nagdaang administrasyon at may iba-ibang lebel ng kanilang pagtugon dito pero ngayon lang nangyari na sabihin ng DepEd secretary mismo na ang mga panawagang ito ay “unrealistic and impossible”. Malinaw sa kasaysayan na kaya itong magawa, ibukas lang sana ang isipan at ‘wag puro red-tagging ang inaatupag,” pahayag pa ni Castro.

Hindi nagustuhan ni Castro na ibaling ni Duterte ang usaping ito sa pag-atake umano ng NPA sa Masbate dahil isa itong uri ng ‘diversion’ upang hindi mapag-usapan ang kakulangan ng guro at silid-aralan sa bansa na mistulang iniiwasan ng pangalawang pangulo.

“It seems that DepEd is the one diverting attention from the burning issues of the education sector,” ani Castro.

Tulad ng lahat aniya ay kinokondena ng mga ito ang pag-atake kaya dapat mag-imbestiga ang Commission on Human Rights (CHR) para alamin kung tunay na NPA ang umatake. (BERNARD TAGUINOD)

280

Related posts

Leave a Comment