Hirit ng senador PBBM PALITAN NA RIN SA DA

KASUNOD ng paghirang kina Defense Secretary Gilbert Teodoro at Health Secretary Ted Herbosa, hinimok ni Senate Minority Leader Koko Pimentel si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magtalaga na rin ng permanenteng kalihim sa Department of Agriculture.

Sinabi ni Pimentel na panahon nang magkaroon ng pinuno ang DA upang matutukan ang mga isyu sa agrikultura partikular ang may kinalaman sa food security.

Iginiit ng senador na dapat eksperto sa mga usapin na may kaugnayan sa agrikultura ang italaga para mamuno sa DA.

Binigyang-diin ng mambabatas na malaking tulong sa administrasyon kung magkakaroon na ng permanenteng kalihim sa DA upang hindi na ito dagdag pa sa mga iniisip ng Pangulo.

Sa ngayon ay ang mismong Pangulo ang umaakto na DA secretary at ito na lamang umano ang ahensyang walang permanenteng kalihim.

Nabalot na rin ng kontrobersiya ang DA partikular ang Sugar Regulatory Administration bunsod ng sinasabing iregular na importasyon ng asukal. (DANG SAMSON-GARCIA)

82

Related posts

Leave a Comment