Hirit sa gobyerno MAS MABILIS, MURANG INTERNET

NARARAPAT nang tapusin ang paghihintay ng mga Pilipino para sa mas mabilis, mura at maaasahang internet sa gitna ng pag-upgrade ng telecommunications companies sa mas mataas na uri ng teknolohiya, pagdidiin ni Sen. Grace Poe.

“Sa ating depinisyon ng new normal, dapat kasama dito ang internet access ng bawat Pilipino,” ayon kay Poe.

“Nararapat lamang na mabigyan ng parehong kalidad ng internet ang ating mga kababayan gaya sa ibang bansa,” dagdag pa niya.

Idinagdag ng chairperson ng Senate committee on public services na inaasahan ng publikong ang pagpapalakas at pagpapalawig ng kapabilidad ng mga telco ay aagapay sa inklusibong pagbangon ng bansa mula sa pandemya.

Hiniling ni Poe sa mga regulator ng pamahalaan na tiyakin ang mga pinag-iibayong digital infrastructure ay magtutuluy-tuloy at hindi magiging sanhi ng pagkaantala ng mga serbisyo nito.

Dapat ding tumupad ang mga telco sa kanilang pangakong mga imprastraktura ayon sa itinakda nilang panahon nang walang dagdag-pasanin sa publiko.

Isinulong ding muli ni Poe ang paglulunsad ng pamahalaan ng National Broadband program. (ESTONG REYES)

78

Related posts

Leave a Comment