HINAMON ni Senador Risa Hontiveros ang Malakanyang na kunin at ibenta na rin sa Kadiwa stores sa murang halaga ang mga asukal na inangkat ng tatlong paboritong importers ng Department of Agriculture (DA).
Kaugnay na rin ito sa pag-apruba ng administrasyon sa rekomendasyon na ibenta sa Kadiwa stores ang nakumpiskang 12,000 metric tons ng asukal sa halagang P70 kada kilo.
Tinukoy ng senadora ang mga inangkat na asukal ng sugar traders na sinasabing paborito ng gobyerno na All Asian Countertrade, Edison Lee Marketing, at Sucden Philippines.
Ipinunto ni Hontiveros na kukulangin para sa mahihirap ang 12,000 metric tons na nasabat na asukal sa Subic at Batangas dahil ang ‘poorest’ ay aabot ng 30 percent.
Nangangahulugan anya ito na mangangailangan ng 300,000 metric tons ng asukal ang mahihirap na kababayan.
Iginiit ni Hontiveros na kung talagang seryoso ang gobyerno na tumulong ay samsamin na rin ang inangkat na asukal ng tatlong traders para maibigay ang pangangailangan ng mahihirap at upang hindi masabing para lang sa publicity ang balak na pagbebenta ng murang asukal sa Kadiwa.
Sinita rin ni Hontiveros ang pagpapataw ng presyo ng ibebentang asukal sa Kadiwa na P70 kada kilo dahil ang dapat na presyo ng asukal na may karaniwang tubo ay aabot lamang sa P61 kada kilo.
Sinabi ng senador na smuggled na pero tubong-lugaw pa rin ang presyo ng asukal na ibebenta sa Kadiwa.
Matatandaang una nang kinuwestiyon ni Hontiveros ang pagpabor ng DA sa tatlong sugar importers na maaaring kumita ng bilyun-bilyon dahil sa ibebenta sa P85 per kilo ang wholesale price ng imported sugar sa bansa gayong sa Thailand ay P25 per kilo lang ang wholesale price ng refined sugar. (DANG SAMSON-GARCIA)
