HOUSE PROBE IKAKASA SA REPATRIATION NG OFWs

ofw

AALAMIN ng House committee on public account ang problema ng mga ahensya ng gobyerno sa pagpapauwi, hindi lamang sa mga buhay na Overseas Filipino Workers (OFWs) na naapektuhan ng COVID-19 pandemic kundi maging ang mga patay na matagal nang stranded sa iba’t ibang bansa.

Ito ang napag-alaman kay Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, chairman ng nasabing komite, dahil hindi aniya katanggap-tanggap ang delay sa pag-repatriate sa OFWs.

“Consistent with the directive of Speaker Alan Peter Cayetano in the case of the [Social Amelioration Program], we want to look into the problems plaguing the repatriation of our workers overseas, who have lost their jobs due to the COVID-19 pandemic, and find solutions,” ayon kay Defensor.

Layon umano ng imbestigasyon ng kanyang komite na alamin kung anong problema bakit hindi agad naiuuwi ang mga OFW na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.

“We want the living as well as the dead repatriated as soon as possible. They have been stranded abroad for months,” ayon pa sa mambabatas, kaya inimbitahan nito ang Department of Labor and Employment (DOLE), Overseas Workers Welfare Administration, (OWWA), Inter-Agency Task Force against COVID-19, Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Transportation (DOTr) at ilang ambassadors ng Middle East.

Sinabi ni Defensor na libu-libong OFWs ang stranded sa Saudi Arabia at iba pang bansa sa gitnang Silangan at Europa at ilang buwan nang naghihintay para maiuwi sila ng gobyerno subalit pautay-utay ang ginagawang repatriation.

Kabilang sa aalamin sa imbestigasyon ang pagkaka-stranded din ng OFWs kapag naiuwi na ang mga ito sa Metro Manila dahl nakakansela ang kanilang flight pauwi sa kanilang probinsya.

Hindi rin nagustuhan ng mambabatas na maging ang mga patay na OFWs ay hindi agad naiuuwi ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno.

TASK FORCE

Samantala, bumuo na ang gobyerno ng Task Force On Handling and Management para sa 5,300 Filipinos na nasa Sandakan, Sabah.

Layon nito na tutukan at pangasiwaan ang pagpapauwi sa mga Pilipinong nasa Sabah.

Sinasabing magsisilbing lead agency ng task force ang Bureau of Quarantine, DSWD, DOH at ang OWWA.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, sa kasalukuyan ay mayroon na aniyang 400 Filipinos ang inilikas mula Sabah na mayroong 15 days interval. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

96

Related posts

Leave a Comment