(CHRISTIAN DALE)
HINIKAYAT ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte nitong Lunes ang mga kongresista na kinokonsidera na pagsamahin ang mga imbestigasyon sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) crimes, illegal drugs, at ang kanyang giyera laban sa ilegal na droga na magpakita ng ebidensiya sa kanilang alegasyon.
Sa ulat, noon ding Lunes ay nagbigay ng kanyang talumpati si Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., sinundan naman nina Cong. Joel Chua at Cong. Patrick Michael Vargas, ng isang resolusyon na nagpapanukala na pagsamahin ang nagpapatuloy na imbestigasyon ng committee on drugs, public order and safety, at human rights.
“If you have proof, then present it. Do not make a general statement. You present proof so I can bring these matters to the Justice department or the prosecutor…,” ang sinabi ni Duterte sa isang pre-recorded “Basta Dabawenyo” podcast ni Mayor Baste Duterte na naka-post sa kanyang YouTube channel.
Kinilala rin ni Digong Duterte ang naging pahayag ni Batangas Rep. Geville Luistro ukol sa kanya sa Executive Order No. 13 kung saan ipinakilala ang terminong online gaming, hinamon nito ang kongresista na magpokus sa POGO at isama ang iba pang gambling games na malaganap ngayon sa iba’t ibang panig ng bansa.
“How about ‘jueteng’? What about the other numbers game spreading across the country? What do you have to say about that? Why are you focusing only on POGO? If you want to be morally upright, address all forms of gambling, not just one,” ayon kay Digong Duterte.
Binigyang kahulugan at inilarawan ni Digong ang POGO at iba pang number games, maging ang Philippine Charity Sweepstakes, bilang gambling o pagsusugal. Idinagdag pa nito na ang lahat ng uri ng sugal ay laganap sa bansa.
Tinuran pa niya na ang Pangulo ng bansa na nakikita ang paglaganap ng ganitong mga aktibidad ay mayroong ‘choice’ “to either allow them to continue openly in a disorderly manner or let the POGO operator corrupt the government, police, mayors, congressmen, and governors.”
“These numbers games had been there. What the government should do is regulate it. If you become president, you’ll understand this better. Say, “Okay, I will allow this because I can no longer control it. Get a license, pay the fees, take a share of the income for the country,” wika pa ni Digong.
Katwiran pa niya, kapag naging legal ang illegal numbers games, maaaring kumita ang bansa na makatutulong sa mahihirap, pondohan ang mga ospital, magbigay ng gamot at pagkain na pangunahing concerns ng pamahalaan.
Sinabi pa nito na makikinabang ang gobyerno mula sa mga nasabing gaming companies.
“Thus, it must be regulated to prevent its spread across the country and ensure it does not negatively impact the entire community, especially the young ones,”ayon sa dating pangulo.
Samantala, binatikos ni Luistro ang EO No. 13 na nagpapahintulot sa online gambling at kinuwestiyon kung bakit dapat i-override ang batas na itinatag ng Kongreso na lumikha sa Philippine Amusement and Gaming Corp. o Pagcor.
36