IATF IDs VALID PA RIN

MANANATILING balido ang special passes na inisyu ng Inter-Agency Task Force (IATF) on pandemic response.

Ito’y sa kabila ng pagkapaso’ ng Bayanihan to Heal as One Act.

Kikilalanin pa rin ng mga awtoridad ang IATF IDs, ayon kay Interior Secretary Eduardo Año kahit mayroon itong printed date na June 20 expiry date.

“Yan naman ay io-honor pa rin natin. Kung ire-renew pa natin yan maraming trabaho pa rin, di naman nabago yung pagkatao nung may hawak ng ID,” ayon sa Kalihim.

“Mayroon naman silang kasamang accompanying company. Io-honor pa rin natin,” aniya pa rin.

Matatandaang, inisyu ng pamahalaan ang IATF IDs sa pagsisimula pa lamang ng lockdown noong Marso.

Layon nito na payagan ang mga manggagawa ng ‘essential industries’ na maayos na makadaan sa checkpoints habang ang nalalabing populasyon ay nananatili sa kanilang bahay.

Nito lamang buwan ng Hunyo nang magsimula ang pamahalaan na luwagan ang lockdowns sa iba’t ibang bahagi ng bansa para ibangon ang ekonomiya na labis na nalugmok dahil sa pandemya.

Karamihan sa ilang bahagi ng bansa ay isinailalim sa ‘more relaxed general community quarantine’ at modified general community quarantine maliban na lamang sa Cebu City at Talisay City na nasa Cebu province.

Ang nasabing Visayan cities ay nananatiling nasa ilalim ng lockdown. CHRISTIAN DALE

72

Related posts

Leave a Comment