IKAAPAT NA YUGTO NG TAX REFORM OK SA HOUSE PANEL

(NI ABBY MENDOZA)

APRUBADO na sa House Committee on Appropriations ang 4th Package ng Comprehensive Tax Reform Program(CTRP).

Isang pagdinig lang ang ginawa ng komite sa pag-apruba sa House Bill 304 o Passive Income and Financial Intermediary Taxation Act of 2019 alinsund sa House Rule 10 Section 48 na nagtatakda na isang hearing lamang ang kailangan ng komite para pagtibayin ang isang panukala na una nang pumasa noong 17th Congress.

Ayon kay Committee chair Rep. Joey Salceda aabot sa P4.2 Billion ang kikitain ng gobyerno sa nasabing tax reform package dahil sa pagtataas sa 15% ng income tax rate sa interests, dividends at capital gains habang  mababawasan naman ang buwis sa savings accounts, pre-need, pension at life insurance.

Nakapaloob sa panukala na maililibre na sa  buwis ang documentary stamps tulad sa diploma, transcript at iba pang school certifications, sa oras na maisabatas ay tinatayang aabot sa 1.2 M graduates kada taon ang makikinabang bukod pa dito ang 2M na senior high school graduate na kumukuha ng transcript of records at iba pang certifications sa mga eskuwelahan.

Libre na din sa documentary stamps para sa Oath of Office ng may 650,000 barangay officials at iba pang elective officials; gayundin ang Good Moral Standing Certificate na kinukuha ng Professional Regulations Commission(PRC) sa mga professionals kada 13 taon at maging ang mga affidavit at notarized documents, Certificate of No Marriage at ang Baptismal Certificate.

Sinabi ni Salceda na P450 milyon  ang mawawalang kita sa gobyerno dahil sa pag alis sa documentary stamp tax (DST)  subalit malaking tulong naman ang pagkaltas nito sa publiko.

Kasama rin sa panukala ang pagbaba ng tax sa savings na mula 20% ay magiging 15% habang ang mga mayayaman na nag-iinvest sa dividend ay mas papatawan ng dagdag na 5% tax.

“The poor and the middle class will benefit from this bill as tax on savings will be decreased,” ayon pa kay Salceda.

 

 

324

Related posts

Leave a Comment