Ilang testigo posibleng binayaran – Atty. Causing LAPID CASE GINUGULO

HINDI basta kinakagat ng pamilya Mabasa ang mga naglilitawang testigo sa Percy Lapid murder case dahil posibleng pinalutang lamang sila ng tunay na mastermind para guluhin ang imbestigasyon.

Ayon kay Atty. Berteni Cataluña Causing, tumatayong tagapagsalita ng pamilya ng pinaslang na radio broadcaster, hindi siya kumbinsido sa paglutang ng ilang personalidad na gustong tumestigo.

Sa panayam ng SAKSI NGAYON kay Atty. Causing, duda umano siya sa testimonya ng mga ito dahil sa inconsistencies o paiba-ibang sinasabi.

Kabilang na rito ang lumitaw na si Marissa, kapatid umano ng middleman na si Jun Villamor na namatay habang nakapiit sa New Bilibid Prison (NBP).

Tinawag pa ng abogado na panggulo ang mga lumulutang na mga testigo. Hindi umano imposible na sadyang pinalutang ang mga ito para iligaw ng tunay na mastermind ang ginagawang imbestigasyon.

Ayon pa kay Causing, malayo ang mga ipinapahayag ng testigo hinggil sa krimen kumpara sa isang tunay na credible witness.

“Hindi naman sila lumutang para mapahiya, siyempre posibleng binayaran yan,” duda pa ni Causing.

Sa ngayon, mayroon nang walong persons of interest ang hawak ng Department of Justice (DoJ) kaugnay ng krimen.

May kabuuang 160 persons of interest sa krimen kasama na ang suspendidong si Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag.

Paghahanap Sa Cellphone

Kaugnay nito, iniutos na ni BuCor OIC Director General Gregorio Pio Catapang Jr., na galugarin ang selda para makita ang nawawalang cellphone na ginamit ni Villamor.

Sinabi ni Catapang na pipilitin niyang tuntunin kung sino ang nakapulot ng cellphone ni Villamor sa loob ng Bilibid.

Una nang kinumpirma ni Department of Justice (DOJ) Secretary Crispin Remulla na wala sa kustodiya ng mga awtoridad ang cellphone ng nasawing middleman sa Percy Lapid murder case.

Sinabi rin ni Catapang na binabantayan na ang 3 PDLs na nabanggit ng kapatid ni Villamor upang madaling maiharap sa sandaling kailanganin sa imbestigasyon. (JESSE KABEL)

31

Related posts

Leave a Comment