UPANG maiwasan na magkaroon ng hindi inaasahang pangyayari na maaaring makapaminsala at madamay dahil sa hindi maayos na mga linya ng kuryente at mga ikinabit na illegal connection ay minabuti ng pamahalaang lungsod ng Caloocan na tawagan ng pansin ang Meralco upang isaayos ang mga ito.
Agad na nagsagawa ng Anti-Urban Blight (AUB) ang Meralco sa Katarungan St., Barangay 149 Bagong Barrio na naglalayong alisin ang mga sala-salabat at nakalaylay na kuryente at ang pagtanggal ng mga illegal connection.
Ang AUB ay isang uri na gawain ng Meralco na ang layunin ay ayusin ang mga linya ng kuryente na nagbibigay panganib sa mga residente nito, ganon din sa matataas na sasakyan na dumadaan na maaaring makalawit ang mga nakausling kuryente.
Nagpahayag ng suporta si City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan sa agarang pagtugon ng Meralco sa panawagan ng mga residente ng nasabing lugar na nangangamba sa idudulot na panganib ng wala sa ayos na mga linya ng kuryente.
Ayon naman sa AUB team team leader ng Meralco, sila ay tumutugon lamang base sa kahilingan ng mga residente lalo na kapag ito ay may pahintulot ng pamahalaang lungsod upang nasa tama ang gagawin nilang pag-aayos ng mga linya nito.
“Muli po tayong nagpapasalamat sa Meralco sa pagtulong sa pamahalaang lungsod na panatilihin ang kaligtasan ng mga mamamayan. Kasabay ng pag-aalis ng mga ilegal at buhol-buhol na koneksyon sa mga poste, mas ligtas din ang barangay sa mga aksidenteng makuryente ang mga dumadaan o sa mga kislap na maaaring maging mitsa ng sunog,” ayon kay Mayor Along.
Hindi maiiwasan na may mga sumusuway sa mga ipinagbabawal ng Meralco kaya mayroon pa ring mga pasaway na nagtatangkang magkabit ng ilegal na kuryente o jumper.
Dagdag pa ni Mayor Along, may batas tungkol sa mga illegal connection kaya tiyak na may kalalagyan ang lalabag at Meralco na ang maghahain ng demanda sa mga ito.
Ang susunod na AUB ay nakatakda sa August 27 hanggang August 30 kaya nananawagan si Mayor Along sa mga may ilegal na linya na alisin na ito upang hindi sila magkaproblema o maparusahan. (MARDE I. INFANTE)
71