ILLEGAL SIDEWALK VENDORS WINALIS SA MONUMENTO, SANGANDAAN

NAGSAGAWA ng sorpresang operasyon laban sa illegal sidewalk vendors at terminal ng mga pampasaherong sasakyan, ang pinagsanib na pwersa ng Department of Public Safety and Traffic Management (DPSTM) at mga kagawad ng barangay mula Monumento hanggang Sangandaan kamakailan.

Ito ay bunsod sa reklamo ng mamamayan sa hindi maayos na mga daan at nagdudulot ng perwisyo sa mga pedestrian na dumadaan sa mga pangunahing lansangan, dahil halos okupado ng mga illegal vendor at ginagawang terminal ng mga pangpublikong sasakyan.

Pinagdududahan tuloy na maaaring may kinikilingan o tinitingnan ang ilan sa mga nagpapatupad ng batas trapiko dahil mahigpit sila sa mga ordinaryong mamamayan ngunit tila kapag kasangga ang nakasasagabal sa daan ay tila balewala lang.

Maagang sinimulan ng mga operatiba ng DPSTM ang panghuhuli ng naka-park na mga pampasaherong jeepney ganoon din ang mga motorsiklo kahit alam nila na maraming sasakyan ang nahihirapang dumaan dahil halos kumikipot na ang mga pangunahing daanan.

Bukod sa mga ilegal na naka-park ay kasama rin sa pinaghuhuli ang mga nagtitinda na gamit ay kariton at lamesa, na naglalaman ng mga sari-saring paninda.

Matagal nang pinaalalahanan ang mga nagtitinda na kung maaari ay huwag nilang gamitin ang mga pangunahing kalsada dahil bukod sa ginagawa nilang abala at sagabal ay nagiging marumi at maraming kalat sa lugar kung saan sila nakapwesto.

Karamihan sa mga nagtitinda sa kalye ng Benin na dinadaanan ng mga motorista na pumupunta sa isang shopping mall, ay naaabala dahil sa mga nakasasagabal na mga nagtitinda. Kasama rin sa ginawang operasyon ang pagkumpiska sa mga kariton at mga eskaparate sa kahabaan ng Samson Road papuntang Sangandaan.

Nananawagan din ang pamunuan ng DPSTM na tulungan sila sa pamamagitan ng pag-report sa hindi magandang gawain ng ilang mapagsamantala na ang idinudulot ay perwisyo sa mga lehitimong naghahanapbuhay o mga establisyemento. (MARDE INFANTE)

51

Related posts

Leave a Comment