DISMAYADO ang mga kritiko ng administrasyong Marcos kaugnay ng planong pagbuwag sa Presidential Commission on Good Government (PCGG).
Para kay Ronald Llamas na nagsilbing Kalihim sa ilalim ng termino ng yumaong Pangulong Noynoy Aquino, hindi dapat lusawin ang PCGG hangga’t walang imbentaryo sa mga nakaw na yaman na hinahabol ng gobyerno sa nakalipas na 36 taon.
Sa “Pandesal Forum” sa Kamuning, Quezon City kaugnay ng paggunita ng EDSA People Power Revolution, tahasang patutsada ang paabot ni Llamas kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ani Llamas, nangangamba si Pangulo sa pwedeng idulot ng PCGG sa pamilyang Marcos. Partikular na tinukoy ni Llamas ang mandato ng PCGG na aniya’y nilikha para bawiin ang mga nakaw na yaman ng mga Marcos.
“May dilemma kasi ang Presidente, meron People Power Commission hanggang ngayon.. Idi-dissolve niya yan. Meron din PCGG na ang trabaho ay i-recover yung ill gotten wealth ng mga Marcoses,” aniya pa.
Batay sa mga ulat na nalimbag sa mga pahayagan sa nakalipas na 37 taon, pumalo na sa $4 billion ang nabawi ng PCGG, habang nasa $3 to $5 billion pa ang patuloy na hinahabol ng nasabing ahensya ng gobyerno.
“Ano ang gagawin ng Presidente? Ginawa yan para bawiin ang nakaw na yaman ng mga Marcoses,” kantyaw ni Llamas.
Kabilang rin sa mga dumalo sa pulong balitaan sina Prof. Kiko Aquino Dee ng Unibersidad ng Pilipinas at Fr Robert Reyes.
Patutsada nina Dee at Reyes, hindi lang “revision of history” ang plano ng mga Marcos kundi maging ang “revision” ng mga desisyong hinggil sa mga nabawing ill-gotten wealth. (JESSE KABEL RUIZ)
