KINUMPIRMA ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año ang pagkakasabit ng pangalan ni Lt. Col. Jovie Espenido sa bagong narcolist na hawak ni Pangulong Rodrigo Duterte gayundin ang pagkakasibak nito bilang hepe ng pulisya sa Bacolod City.
Gayunman, nilinaw ni Año na patuloy pang isinasailalim sa validation ang listahan at ang posibilidad na maimbestigahan si Espenido.
Magugunitang si Espenido ang police chief ng Albuera, Leyte noong 2016 nang mapatay ang alkalde ng nasabing bayan na si Rolando Espinosa, Sr. habang nakapiit sa kasong ilegal na droga.
Sinabi ni Año na kabilang si Espenido sa ikalawang batch ng mga pangalan na nadagdag sa narcolist ngunit hindi malinaw kung kailan naisama ang pangalan nito.
Binanggit pa ng kalihim na hindi nababahala si Pangulong Duterte sa pagkakadawit ni Espenido sa narcolist dahil isinasailalim pa naman sa pagkukumpirma ang mga pangalan sa listahan.
“Being on the list“does not mean that you are automatically involved in the illegal drug trade. That’s why the PNP chief will relieve all 357 (policemen) on the narcolist and validate them one by one and, if possible, and if there is information or data available, then conduct an investigation,” ani Año.
Mayroong isang buwan ang mga nag-iimbestiga sa 357 pulis na dawit umano sa illegal drug trade.
Samantala, tiniyak ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac na iimbestigahan pa rin ang mga pulis na maagang nagretiro matapos madamay sa narcolist.
9 SUMUKO
Siyam nang police officers na tinaguriang ninja cops at sangkot sa kontrobersyal na anti- narcotics operation sa Pampanga nong 2013 na nagsabit sa pangalan ni dating PNP chief Oscar Albayalde ang sumuko na.
Una rito ay nanawagan si PNP chief Archie Gamboa na magsumite na lamang ng kanilang optional retirement ang mga pulis na kabilang sa may 257 sangkot sa iba’t ibang katiwalian kabilang na ang kasong may kaugnayan sa droga.
Nabatid na ang siyam ay kasama ng apat na police officials na kinasuhan ng Department of Justice (DOJ) sa kasong Violation of the Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Sa inilabas na talaan ng Pampanga provincial warden ay kinilala ang mga sumuko na sina Police Lt. Joven Bagnot De Guzman, Jr.; Police Master Sgts. Jules Lacap Maniago, Donald Castro Roque, Ronald Bayas Santos, Rommel Muñoz Vital, Dante Mercado Dizon; Police Staff Sgts. Dindo Singian Dizon, Gilbert Angeles De Vera at Romeo Encarnacion Guerrero Jr.
Nakapiit ngayon sa Pampanga Provincial Jail ang mga sumukong pulis habang pinaghahanap pa ang kasamahan nilang sina Police Master Sgts. Alcindor Mangiduyos Tinio at Eligio Dayos Valeroso. Nakapiit naman sa New Bilibid Prison ang dating immediate superior ng mga ito na si Police Lt. Col. Rodney Raymundo Louie Juico Baloyo IV. JG TUMBADO, JESSE KABEL
120