(NI BERNARD TAGUINOD/PHOTO JACOB REYES)
KAILANGANG busisiin umano ng husto ang naganap na sunog sa Bureau of Custom (BOC) noong Sabado ng gabi na nagtagal ng 10 oras upang hindi lumaki ang hinala ng taumbayan na mayroong pinagtatakpan.
Ginawa ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone ang nasabing pahayag matapos matupok ng apoy ang ilang bahagi ng gusali ng BOC sa Port Area sa Lungsod ng Maynila.
“Dapat busisiin yan ng maigi para hindi maghinala ang taongbayan,” ani Evardone.
Ayon sa mambabatas, dahil kontrobersya ang BOC, hindi maiwasan aniya na mag-isip ng kung anu-ano ang taumbayan sa nangyaring sunog lalo na’t nililinis sa katiwalian ang ahensya.
Dahil dito, pinayuhan ng mambabatas ang pamunuan ng BOC na buksan sa publiko ang ginagawang imbestigasyon sa sanhi ng sunog sa kanilang tanggapan upang maiwasan ang paghihinala.
Unang sinabi ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate na hindi nito masisisi ang mamamayan na isiping mayroong pinagtatakpan kaya nangyari ang susog sa BOC na ayon sa mga ulat ay mga importanteng dokumento umano ang nasunog.
Nais ni Zarate na malaman kung ano-anong mga dokumento ang nasunog para malaman kung mahalaga ba ang mga ito sa kampanya laban sa katiwalian sa nasabing ahensya.
Isa sa mga iniimbestigahan ay ang pagpasok ng mga droga sa bansa noong 2017 at 2018 kaya nais ng mambabatas kung kabilang ba ang mga dokumentong ito sa mga nasunog o hindi.
134