IMEE, DUDANG KAYANG SIMULAN ANG KLASE SA AUG. 24

DUDA si Senador Imee Marcos na kakayanin na ng Department of Education (DepEd) na simulan ang klase para sa school year 2020-2021 sa August 24.

Sa Zoom press conference sa Senate Media, sinabi ni Marcos na dapat maging tapat ang DepEd kung kailan nila kakayanin ang pagbubukas ng klase.

“We already told the DepEd, magkaisa kayo. Sabihin lang, magpakatotoo kayo, sabihin sa amin kung kailan ba talaga ‘yan. Kasi sa tingin natin two months to go, two months before the deadline, hindi pa talaga ready,” saad ni Marcos.

Nilinaw naman ni Marcos na nagsisikap ang DepEd upang plantsahin ang mga kailangang paghahanda para sa pagbubukas ng klase lalo na’t isinusulong ang distance learning.

Subalit sa nakita anya nilang mga kakulangan pa tulad ng koordinasyon sa Department of Information and Communications Technology para sa internet connection, at iba pang paghahanda gaya ng pag-iimprenta ng mga modules, tantiya ng senador ay malabo pang makapagsimula ang klase sa August 24.

Muli namang hinimok ng senador ang DepEd na i-activate ang mga local school boards para makapagdesisyon kung maaaring simulan ang face to face classes sa ibang lalawigan na wala namang kaso ng COVID 19 at wala ring maaasahang internet connection. (DANG SAMSON-GARCIA)

87

Related posts

Leave a Comment