KUNG mayroong dapat pagtuunan ng pansin ang taumbayan, ito ay malaman kung saan ginastos ni Vice President Sara Duterte ang P125 million confidential funds sa loob lamang ng 11 araw at hindi ang impeachment case na hilaw pa umano.
Ito ang iginiit ni House deputy minority leader France Castro sa press conference ng Makabayan bloc kaugnay ng confidential funds ni Duterte na hanggang ngayon ay hindi pa naipaliliwanag sa publiko kung saan ginamit.
“Dapat talagang mag-focus tayo doon sa isyu ng confidential funds antagal na nito mula pa nung September hindi pa rin nasasagot ng concerned agencies na mga pinagtatanungan namin especially yung OVP, (tsaka) sa DepEd (Department of Education),” ani Castro.
Kasabay nito ay hiniling ng mambabatas sa Commission on Audit (COA) na ilabas na ang kanilang report kung papaano ginastos ni Duterte ang nasabing pondo dahil nangako ang komisyon na maglalabas ang mga ito ng report pagsapit ng November 15, 2023 o apat na araw na ang nakalipas.
Ayon sa mambabatas, kailangang isapubliko na ng COA report lalo na’t tahimik si Duterte kung saan at paano niya ginastos ang nasabing halaga sa loob lamang ng 11 araw.
“Para sa amin, ito dapat yung focus-an na isyu, yung mga usapin ng impeachment hindi yan naman ano, seryoso,” pahayag ni Castro.
Ganito rin ang pahayag ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas kaya hindi umano dapat mawala ang atensyon ng publiko sa confidential funds ni Duterte sa gitna ng usapin sa impeachment case.
(BERNARD TAGUINOD)
127