IMPEACH VP SARA MALABO PA

MAITUTURING pang suntok sa buwan ang pagpapa-impeach kay Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte dahil kontrolado ng Malacañang, hindi lamang ang mayorya sa Kamara kundi maging ang karamihan sa minorya.

Maging si House deputy minority leader France Castro ay aminadong “premature” pa para pag-usapan ang pagpapa-impeach kay Duterte dahil sa paggamit nito ng P125 million intelligence at confidential funds (CIF) sa unang anim na buwan ng kanyang pagiging bise presidente gayung hindi binigyan ng nasabing pondo ang tanggapan na inilipat sa kanya ni dating Vice President Leni Robredo.

“Malabong iimpeach ng House si Sara. Marami rin sa minority bloc ang kaalyado ng Malacanang. Makabayan bloc lang ang puwedeng sumuporta,” komento ng isang beteranong mambabatas na hindi na nagpabanggit ng pangalan.

Nilinaw ng impormante na hawak ng Lakas-CMD ang Kamara kung saan dating chairperson si Duterte at nagdala sa kanyang kandidatura noong 2022 election kaya hindi papayag ang mga ito na ma-impeach ang pangalawang pangulo.

Nasa puwesto rin si dating Pangulo at ngayo’y Deputy Speaker Gloria Macapagal Arroyo na isa sa matatag na kaalyado ni Duterte kaya lalong malabo na umalagwa ang impeachment case laban sa bise presidente.

Noong Biyernes, sinabi ni Castro na ikinokonsidera nila ang paghahain ng impeachment case laban kay Duterte matapos matuklasan sa budget hearing ng Commission on Audit (COA) na gumastos ito ng P125 million noong 2022 gayung walang inilaang ganitong pondo sa Office of the Vice President (OVP).

Agad ding binawi ni Castro ang pahayag kung saan sinabi nito na “Talks of impeachment are premature” subalit kailangang itutok umano ang isyu sa P125 million confidential funds ni Duterte na aniya’y illegal.

(BERNARD TAGUINOD)

188

Related posts

Leave a Comment