PINAG-UUSAPAN na umano ng mga congressman ang pagpapa-impeach kay Vice President Sara Duterte dahil sa P125 milion confidential funds na ginastos nito sa loob lamang ng 11 araw noong 2022.
Ito ang kinumpirma ni House Deputy Minority Leader France Castro subalit ‘premature’ o hindi pa hinog sa panahon kaya may mga mambabatas ang hindi pa seryoso sa pagpapatalsik kay Duterte.
“The supposed talks on impeachment now are mere discussions of some congressmen and not a serious move against Vice-President Sara Duterte,” ani Castro, kung saan maging sa kanilang grupo ay may naniniwala na wala pa sa panahon na i-impeach ang anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“….but it highlights the growing rift in the supposed UniTeam” opinyon pa ng mambabatas, dahil open secret umano sa Kongreso na nabiyak na ang team na binuo nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at mga Duterte noong nakaraang presidential election.
Nag-ugat ang hidwaan nang tanggalan ng Kamara ng confidential funds si Duterte para sa taong 2024 na nagkakahalaga ng P650 million, kung saan P500 million dito ay para sa Office of the Vice President (OVP) at P150 million ay para sa Department of Education (DepEd) na pinamumunuan nito.
Sinabi ni Castro, dapat ipaliwanag ni VP Duterte kung saan at paano niya ginastos ang umano’y ilegal na pondo sa loob ng 11 araw bago nagtapos ang taong 2022.
“Ang dami nang nangyari mula Agosto hanggang ngayon ay ‘di pa rin sinasagot ni VP Duterte saan niya ginastos ang P125 milyon na confidential funds sa loob lang ng 11 araw. Sana naman ay sagutin na niya ngayon,” ani Castro.
Samantala, lalong humina ang PDP-Laban na partido ng dating Pangulo sa Kongreso matapos umano nitong siraan ang Kapulungan.
Ayon kay Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, mula sa 65 PDP-Laban congressmen nang magsimula ang 19th Congress, ay 15 na lamang ang natitira matapos maglipatan ang mayorya sa mga ito sa ibang partido tulad ng Lakas-CMD, Partidong Federal ng Pilipinas at iba pa.
“It’s started (naglipatan) when there are some accusation against Congress na sinabi ng former President natin na bulok tayong institution so the Congressmen, to keep up themselves also to defend the dignity of the institution,” ani Pimentel.
Inamin ni Pimentel na maging siya ay nagpaplanong lumipat sa ibang partido dahil hindi umano nagagampanan ng mga ito ang kanilang trabaho sa Kongreso bilang mga miyembro ng PDP-Laban.
(BERNARD TAGUINOD)
93