IMPORTED NA BIGAS BUMABAHA SA BODEGA

rice

(NI NOEL ABUEL)

NANAWAGAN si Senador Imee Marcos kay Pangulong Rodrigo Duterte na pansamantalang itigil ang rice importation sa bansa bunsod ng dinaranas na matinding dagok sa mga mahihirap na magsasaka.

Ang apela nito ay matapos madiskubre sa budget hearing ng Department of Agriculture (DA) na nakaimbak ngayon sa mga warehouse ng rice traders ang sangkatutak na imported rice na binili sa ilang rice-producing countries sa Asya.

Base sa datos ng DA, ang top 5 na bansang suppliers at nag-i-import ng bigas sa Pilipinas ay sa Thailand, Vietnam, India, China at Pakistan.

Sinabi ni Marcos na lubha nang naaapektuhan ang kita ng mahihirap na magsasaka dahil sa bumabaha nang husto ang bigas matapos ipatupad ang rice tariffication law.

Pakiusap pa ng senadora sa Pangulo na dapat ihinto muna ang importasyon at ipaubos na muna ang mga nakatambak na bigas hanggang sa katapusan ng Disyembre ngayong taon.

“Nananawagan ako kay Pangulong Duterte na mapatigil muna ang importasyon ng bigas. Maraming dahilan para wag muna tayong mag-import, dagdagan ng buwis. Patawan ng 800 percent na buwis, like Japan and Korea, they do that. Magpatupad ng mas mahigpit na sanitary and phytosanitary measures sa bigas, gaya ng ginagawa ng ibang bansa sa saging, pinya at sa lahat ng produkto ng Pilipinas. They keep that doing to us,” pahayag pa ni Marcos.

Binigyang diin pa ni Marcos na may kartel na nagpupuslit ng tone-toneladang bigas, maliban pa sa may ‘raket’ pa ang ilang tusong rice traders sa bayaran sa warehouses.

Sa ilalim ng batas, pinahihintulutan na ang importasyon ng bigas ngunit may kapangyarihan ang Pangulo na ipatigil ito kung nasasagasaan na ang kita ng mga magsasaka sa bansa.

“Even without amending the rice tariffication law, tigil na pansamantala ‘yang importation hanggang end of the year, hanggang mabawasan ang laman ng mga bodega, I want to say pwede ba tigilan na ang pag-import ng bigas hanggang maubos na ‘yan, kasi eto na ang main crop, ngayon na ang panahon ng anihan,” pagtatapos ni Marcos.

 

120

Related posts

Leave a Comment