INA NG BIKTIMA NI SANCHEZ PUMALAG SA POSIBLENG PAGLAYA

(NI KIKO CUETO)

KUKUWESTYUNIN ng ina ng isa sa mga biktima ni dating Calauan mayor Antonio Sanchez, ang napipintong pagpapalaya dito.

Sa panayam, sinabi ni Ma. Clara Sarmenta, ina ni Eileen na ginahasa at pinatay ng alkalde, na hirap silang tanggapin na basta na lamang lalaya si Sanchez.

Noong dekada 90, itinuturing na isa sa mga pinaka-karumal-dumal na krimen ang sinapit ng UP Los Banos students na sina Eileen Sarmenta at Allan Gomez sa kamay ni Sanchez noong Hunyo 1993.

Ginahasa at pinatay si Sarmenta habang tinorture at pinatay din si Gomez.

Taong 1995 nang masentensyahan si Sanchez sa pitong bilang ng reclusion perpetua o habang buhay na pagkakabilanggo.

“Sorry I’m emotional kasi ‘di ako nakatulog dahil diyan, dahil bumalik ho lahat ng sakit, yung nakaraan, sumariwa lahat sa akin. Hanggang ngayon, hindi pa namin siya nakikitaan ng pagsisisi. Walang remorse sa kanyang ginawa,” pahayag ni Ginang Sarmenta.

Kabilang si Sanchez sa higit 10,000 preso na makikinabang sa isang batas na tinataasan ang good conduct time allowance para sa mga presong mabubuti ang asal sa loob ng kulungan.

ibig sabihin, mababawasan ang kanilang sentensya.

Nitong Hunyo, sinabi ng Korte Suprema na dapat makinabang din sa batas ang mga dati nang nahatulan bago pa man maipasa ang batas noong 2013.

Sa kaso ni Sanchez, ibabawas ang good conduct time allowance sa 40 taon, na pinakamahabang pagkakakulong na maaaring pagsilbihan ng isang preso.

Kaya’t kung bibilangin, posibleng makalaya si Sanchez kahit nasa dalawampu’t limang taon pa lamang siyang nakukulong.

“We cannot really do anything kung yan nga ang batas, pero dapat gampanan at ipakita ng pamahalaan na proof na good behavior siya,” panawagan ni Ginang Sarmenta.

May pagdududa din si Ginang Sarmenta lalo’t hindi umano sila nasabihan tungkol dito at dating abogado ni Sanchez si Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

Itinanggi naman ni Panelo na may kinalaman siya sa pagpapalaya kay Sanchez.

“As correctly pointed out by (DoJ Sec. Menardo) Guevarra, no one intervened in that case because there’s the law that obviously benefited Mr. Sanchez and 11,000 others,” pahayag ni Panelo.

Nilinaw naman ng DoJ, na ang SC mismo ang nag-utos sa BuCor at BJMP na i-compute ang good conduct time allowance ng mga preso at palayain kung naserbisyuhan na ang sentensya.

Marami naman ang nagtatanong kung paano nabigyan ng good conduct si Sanchez.

Noong 2006, nahulihan ng droga si Sanchez sa loob ng kanyang selda.

Habang noong 2015, nakita sa loob ng kanyang selda ang ilang hindi awtorisadong gamit tulad ng flatscreen tv at aircon unit.

Noong isang taon lang,  nakarekober ang Ombudsman ng 19 na ill-gotten properties ni Sanchez at asawa niyang si Editha.

Nilinaw naman ni Guevarra, na hindi pa lalabas si Sanchez dahil marami pang nauna sa kanya.

Pero ipinag-utos na niya ang masusing pag-review sa good conduct time allowance sa mga sangkot sa mga karumal dumal na kaso.

133

Related posts

Leave a Comment