INFLATION SUMIPA SA 6.9%

(JESSE KABEL/BERNARD TAGUINOD)

ITINURO sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin ang pagbilis ng galaw ng inflation rate sa bansa, ayon sa report ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Nabatid na pumalo sa 6.9% ang pag-angat ng inflation noong Setyembre na mayroong average o kabuuan na 5.1% simula Enero ng taong kasalukuyan.

Ayon kay Undersecretary Dennis Mapa, national statistician at civil registrar general ng bansa, bumilis ang antas ng paggalaw ng bilihin nitong Setyembre kumpara noong August 2022 na mayroon 6.3%.

Ayon pa kay Mapa, pangunahin sa mga kadahilanan ay ang mas mabilis na pagtaas ng food and non-alcoholic beverages na may 7.4% inflation at 70.6% share sa pagtaas ng pangkalahatang inflation sa bansa.

Ito ang mga pangunahing nag-ambag sa pagtaas ng pangkalahatang inflation kabilang na ang presyo ng mga gulay, asukal at cooking bananas.

Gaya rin ng gulay na talong na may 3.5% inflation mula sa -2.7 % noong August 22, ang presyo naman ng isda and other seafoods partikular ang tilapia na may 7.22% noong August at umangat sa 9.1% noong Setyembre.

Dagdag pa rito, malaki rin ang itinaas ng inflation ng asukal na mayroong 26% noong August at 30.2% noong Setyembre 2022.

Kasama na rito ang housing, water, electricity gas and other fuels.

Ang pangatlong commodity group na nagpakita ng mataas na antas nitong Setyembre ay ang mga restaurants and accommodation services na may 4.6% inflation at 6.5% shares sa bansa.

Idagdag pa aniya rito ang taas-pasahe.

“The acceleration in the country’s inflation rate in September 2022 was primarily due to the higher annual growth rate in the index for food and non-alcoholic beverages at 7.4 percent, from 6.3 percent in August 2022. This was followed by housing, water, electricity, gas, and other fuels with 7.3 percent annual growth, from 6.8 percent in August 2022,” bahagi ng statement ng PSA.

Kaugnay nito, kung mayroon mang higit na apektado sa hanay ng state professionals sa 6.9% inflation rate noong Setyembre ay ang mga public school teacher dahil sila ang may pinakamababang sahod sa kasalukuyan.

Ani House deputy minority leader France Castro, “Today is World Teachers’ Day but up till now the salaries of teachers are hardly enough to make ends meet. Lalo pa ngayon na 6.9% na ang inflation rate sa bansa at kung sa usapin naman sa pagkain ay 7.7% na ito.”

Noong Martes ay naghain ng petisyon sa House committee on appropriation ang grupo ng mga guro mula sa Alliance of Concerned Teachers of the Philippines para hilingin na itaas sa P35,000 ang buwanang sahod ng public school teachers.

Sinabi ni Castro, kinatawan ng ACT party-list, na hindi na sapat ang P25,000 sinasahod ng mga guro sa kasalukuyan dahil marami sa mga ito ay hanggang P11,000 na lamang ang naiuuwi buwan-buwan dahil sa iba’t ibang bayarin at kontribusyon.

Bukod dito, umapela rin ang nasabing grupo sa Kongreso na magkaroon ng batas na mag-oobliga sa private schools na swelduhan ang kanilang mga baguhang guro ng P30,000 kada buwan.

“The government always say that the future of our children depends on our teachers but why is it that they are always overworked yet short changed. What our teachers need now are higher salaries and no amount of flowery words or rhetoric can change that,” dagdag pa nito.

Samantala, naniniwala si House ways and means chairman Joey Salceda na tataas pa ang inflation rate sa mga susunod na buwan.

Sa projection ni Salceda, posibleng tataas sa 7.1% ang inflation rate ngayong Oktubre; 7.0% sa November at 7.2% sa December habang ang annual average ay magiging 5.6% mula sa 0.67%.

67

Related posts

Leave a Comment