(NI BETH JULIAN)
AMINADO ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na nahahagip ng naaantalang pagpasa sa 2019 national budget ang ilang malalaking infrastructure project sa ilalim ng Build Build Build program ng gobyerno.
Sa press briefing sa Malacanang, isa sa pinupuri ni DoT USec. Timothy John Batan ang MRT 3 rehabilitation project na nangangailangan ng P3 bilyong pondo para sa mga piyesang kailangan para sa pagpapaayos na mga bagon at riles.
Sinabing bahagi ng pondong gagamitin para sa proyekto ay huhugutin sa panukalang pambansang budget para sa 2019.
Tinumbok din na apektado rin ang Metro Manila Subway Project na nangangailangan naman ng P500 milyon bilang inisyal na pambayad sa road rights of way.
Hindi rin ligtas dito ang Tutuban-Malolos Railway dahil wala pang advance payment.
Gayunman, sa kabila nito ay tiniyak ni Batan na on time pa rin naman ang pag usad ng mga proyekto at maaabot pa naman ang target date of completion kahit pa maantala ng kung ilang linggo ang pag apruba sa proposed 2019 national budget na nagkakahalaga ng P3.77 trillion.
Sinabi nito na ginagawa nila ang lahat ng paraan para malampasan ang lahat ng mga hamon kabilang na ang paggamit sa mga lupain ng gobyerno upang hindi na magka-problema pa sa right of way.
Gayundin ang pakiusap sa mga contractors at stakeholders na paluwalan o abonohan muna ang bayad sa mga bilihing spare parts para masimulan ang proyekto.
125