INOOBSERBAHAN SA NCOV, 215 NA-DOH

UMAKYAT na sa 215 ang mga itinuturing na patients under investigation (PUIs) ng Department of Health (DOH) dahil sa 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV ARD).
Ayon kay Health Undersecretary at Spokesperson Dr. Eric Domingo, umabot na sa 215 ang cumulative total ng PUIs sa bansa, kabilang dito ang tatlong kumpirmadong kaso ng sakit, na pawang Chinese nationals na mula sa Wuhan City sa Hubei, China.

Sinabi ni Domingo na sa naturang bilang, 184 ang naka-admit at isolated na, habang siyam na ang ilan ay mga dayuhan, ang tumanggi umanong magpa-admit sa pagamutan.

May 57 na umano ang nagnegatibo sa nCoV ngunit 17 pa lamang ang na-discharged ng pagamutan, bagamat nananatiling nasa strict monitoring pa rin ng DOH ang mga ito, habang inaantabayanan pa ng DOH ang resulta naman ng pagsusuri sa may 155 pang kaso.

Dalawa pa rin ang bilang ng mga namatay na PUI, kabilang ang 44-year old Chinese national na ikalawang confirmed nCoV case sa Pilipinas at ang isa pang Chinese national na binawian ng buhay dahil sa pneumonia na kumplikasyon ng ibang karamdaman.

Samantala, iniulat ni Domingo na natukoy na nila ang lahat ng 441 contacts ng una at ikalawang kaso ng 2019 nCoV ARD sa bansa.

Sa naturang bilang, 379 ang pasahero at crew ng flights na sinakyan nila, habang 62 ang mula sa hotels/resorts, pagamutan, public vehicles at iba pang lugar na binisita anila.

Sa mga natuntong contacts, 203 ang naka-home quarantine dahil asymptomatic o walang sintomas ng sakit habang 32 ang itinuring na PUIs matapos makitaan ng sintomas.

Ang natitira pa aniyang 206 sa contact tracing ay natukoy na rin umano ng DOH, ngunit hindi pa nakakapanayam ng kanilang mga tauhan dahil sa maling contact information. (DAHLIA S. ANIN)

 

136

Related posts

Leave a Comment