INTEL AT CONFI FUNDS PINABUBUKSAN SA PUBLIKO

PANAHON na buksan sa publiko kung papaano ginagamit ang bilyun-bilyong intelligence at confidential funds ng gobyerno.

Iginiit ito ni House deputy minority leader France Castro dahil sa aniya’y magkakasunod na ‘intelligence blunder’ kahit kargado ang Marcos administration ng mahigit P12 billion intelligence at confidential funds ngayong taon.

“Sa dami ng mga isyung sumulpot dahil sa patagong paggamit sa confidential at intelligence funds, marapat na mas gawin itong transparent at mapanagot ang mga opisyal na mali itong ginagamit,” ani Castro.

Inihalimbawa ng mambabatas ang kaso ni Apollo Quiboloy na hanggang ngayon ay hindi pa nahuhuli at ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na nakaalis ng bansa na hindi nalalaman ng intelligence community.

Kahit si dating Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gerald Bantag na matagal nang wanted sa batas dahil sa pagkakasangkot sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid ay hindi pa matagpuan ng mga otoridad hanggang ngayon.

Sa ilalim ng kasalukuyang sistema, hindi na binubusisi ng Commission on Audit (COA) kung saan ginagamit ang mga intelligence at confidential fund kaya inihain ng grupo ni Castro ang House Bill (HB) 7158 o Intelligence and Confidential Funds Transparency Bill noong Pebrero 14, 2023.

Ang kahalintulad na panukala ay inihain ng mga militanteng mambabatas noong 16th, 17th, at 18th Congress ngunit hindi pinapansin sa Mababang Kapulungan. (BERNARD TAGUINOD)

29

Related posts

Leave a Comment