Ipinatayo ni Cong. Nograles BAGONG CLASSROOMS SA MONTALBAN PASISINAYAAN

PANGUNGUNAHAN ngayong Martes ni Rizal 4th District Congressman Fidel Nograles ang pagpapasinaya sa ipinatayong bagong gusali sa San Isidro Elementary School sa Montalban, Rizal.

“Nagagalak tayo na may bagong mga classroom nang magagamit ang mga mag-aaral ng San Isidro Elementary School. The building’s completion is very timely as it will help address classroom congestion especially in the time of COVID-19, where space is crucial in ensuring public health,” ani Nograles.

May lawak na 437-square meter ang 4-storey school building na ipinatayo ni Nograles kaya madadagdagan ng 16 classroom ang nasabing eskuwelahan na mahalaga sa mga estudyante.

Nagsimula ang konstruksyon ng gusali noong August 2020 at natapos noong June 2021. Nagkakahalaga ito ng P48.99 million at pinondohan mula sa Basic Educational Facilities Fund (BEFF).

Sinabi ni Nograles na malaking tulong ang mga karagdagang silid-aralan para mabawasan ang classroom shortage sa Montalban.

“Ang Montalban po ang most populous municipality sa buong bansa, kaya malaking problema talaga ang kakulangan ng mga classroom. Nagpapasalamat tayong napagbigyan ang proyektong ito,” ani Nograles.

Ayon sa kongresista mula sa bagong distrito ng lalawigan ng Rizal, patuloy itong magtatrabaho para magkaroon ng mga karagdagang pondo upang makapagpatayo ng mas maraming classroom sa Montalban.

“Hindi pa po dito nagtatapos. Tatrabahuin po natin nang madagdagan pa kahit sa iba pang elementary schools ang mga classroom natin,” pahayag pa ni Nograles. (BERNARD TAGUINOD)

Related posts

Leave a Comment