ISA PA SA ‘POWER RANGERS’ SA KAMARA SIBAK

ISA pang miyembro ng tinaguriang ‘power rangerd’ sa Kamara ang tinanggalan ni House Speaker Lord Allan Velasco ng committee chairmanship sa pagpapatuloy ng reorganisasyon sa Kapulungan.

Kahapon, sinibak bilang chairman ng House committee on good government and public accountability si Bulacan Rep. Jonathan Sy-Alvarado at ibinigay kay DIWA party-list Rep. Michael Edgar Aglipay ang pamumuno sa nasabing komite.

Si Alvarado ang isa sa tinaguriang ‘power rangers’ sa Kamara na siyang laging inaatasan ng administrasyon ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano na mag-imbestiga sa iba’t ibang isyu.
Kabilang na sa inimbestigahan ng power rangers ang mga paglabag sa kanilang prangkisa at sa Saligang Batas ng ABS-CBN na nauwi sa pagbasura sa kanilang aplikasyon.

Unang tinanggalan ng posisyon ang isa sa power rangers na si Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte nang alisin ito bilang Deputy Speaker at sumunod si Laguna Rep. Dan Fernandez na inalisan din ng kahalintulad na posisyon.

Dahil dito, tanging sina Deputy Speaker Rodante Marcoleta, Cavite Rep. Crispin Remulla, Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor at Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr., na miyembro ng power rangers ang hindi pa inaalisan ng posisyon sa Kamara.

Mula nang maupo si Velasco bilang Speaker, 4 deputy speaker sa ilalim ng pamunuan ni Cayetano ang inalis  na, kabilang sina Villafuerte, Fernandez, Batangas Rep. Raneo Abu at Capiz Rep. Fred Castro.

Kasama rin sa mga kaalyado ni Cayetano na inalisan ng puwesto si Cavite Rep. Abraham Tolentino bilang chairman ng House committee on accounts at Kabayan party-list Rep. Ron Salo na sinibak naman bilang head ng House Contingent sa House of Representative Electoral Tribunal (HRET). (BERNARD TAGUINOD)

75

Related posts

Leave a Comment