Isinumbong sa solon SUGALAN SA RESORTS WORLD TULOY

TINUKOY sa anonymous letter na natanggap ni House assistant majority leader Nina Taduran na Resorts World Manila ang casino na nag-o-operate sa panahon ng pandemya.

Sa isang pahinang sulat na natanggap ni Taduran at ibinigay sa Saksi Ngayon, nagrereklamo ang letter sender dahil kasama ang kanyang senior citizen na ina sa mga nagsusugal sa RW Manila.

“I am wrting to call the attention of your office to investigate regarding the re-opening of Resorts World Manila to VIP gamblers during this time of pandemic,” bahagi ng sulat.

“My mother who is [a] senior citizen, also considered a high risk having pre-existing diabetes and hypertension, [an] addict to gambling was able to visit their vicinity recently,” ayon pa sa sulat.

Makailang beses umanong tinawagan ng letter sender ang tanggapan ng RW Manila subalit itinatanggi ng mga ito na nag-o-operate sila. Sa kabila nito, ayon sa letter sender ay nakapagsugal ang kanilang ina.

“Chips, dice, playing cards and slot machines all are touched hundreds of time a day at casino. I am now concerned about the operations of casino that are putting numerous breach of safety protocols in place risking the client’s health and great possibility of spreading the COVID-19 virus to the community. I trust this is not the way to conduct business,” bahagi pa ng sulat na natanggap ni Taduran.

Dahil sa nasabing sulat, umapela si Taduran sa mga mga otoridad na parusahan at tuluyang ipasara ang mga casino na nag-o-operate kahit sa panahon ng pandemyang COVID-19.

Noong isang linggo ay may mga casino manager na ipinatawag si Manila Mayor Isko Moreno matapos makatanggap ng ulat na may mga nagbukas sa kabila ng umiiral na community quarantine.

STRESS TEST

Sa panayam ng Saksi Ngayon kay Major Rosalino Ibay, Jr., hepe ng Special Mayor Reaction Team (SMaRT), hinarap ni Moreno ang mga kinatawan ng mga casino sa lungsod kabilang si Enrile Esguerra ng Casino Filipino Manila Bay.

Nanindigan ang mga ito na stress test ng kanilang mga makina ang dahilan kaya pinapasok nila ang ilang manggagawa.

Katwiran ng mga kinatawan, kailangan sumailalim sa stress test ang mga makina dahil ilang buwang natengga ang mga ito.

Katunayan, sumulat umano si Esguerra sa tanggapan ni Moreno para ipagpaalam ang gagawing stress test.

Pinatunayan din ito ni PAGCOR chairperson Andrea Domingo, na tumawag umano kay Moreno habang kausap nito ang mga casino manager.

Nabatid na alas-5:30 ng hapon noong nakaraang Biyernes ay magkakasunod na pinuntahan ng grupo ni Maj. Ibay ang mga casino sa lungsod para inspeksyunin at paalalahanan ang mga ito na hindi pa sila pinapayagang magbukas.

Kasabay nito, nilinaw ni Major Ibay na ang lumabas na video na makikitang kausap niya ang ilang empleyado ay bahagi ng kanilang inspection at validation sa mga hotel na may casino sa lungsod. (BERNARD TAGUINOD/JOEL O. AMONGO)

154

Related posts

Leave a Comment