(NI BETH JULIAN)
KUMPIYANSA ang Department of Trade and Industry (DTI) na hindi makaaapekto sa trade relations ang naudlot na pagkuha ng kanilang basura na nakaimbak sa Pilipinas ilang taon na ang nakalilipas.
Ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, walang isyu ang pag-antala ng pagkuha ng tone-toneladang basura ng Canada mula sa bansa dahil hindi naman ito sa isyu ng kalakalan ng dalawang bansa.
“If you ask me, talagang separate ‘yon. At saka, parang naso-solve na iyong particular issue na iyon ‘di ba? May mga wino-workout nang mga plan. So, sa tingin ko ay hindi iyon makaaapekto, kasi business to business naman sa mga transactions natin pagdating sa trade and investment with Canadian companies,” wika ni Lopez.
Binigyan-diin pa ni Lopez na hindi makaaapekto iyon dahil hindi naman ang mga kompanya ang mga kalaban doon o ito ay hiwalay na usapin.
Ayon kay Lopez, sa katunayan ay may nakatakdang aktibidades sina Lopez sa Canada government sa ikalawang kwarter ng 2019 na may kinalaman sa tinatawag na start-up community development, mga disruptive technologies kung saan may mga entrepreneurs na lalahok sa nasabing event sa Canada.
Kumpiyansa rin si Lopez na hindi na hahantong sa pagkasira ng magandang relasyon ng Canada at Pilipinas ang isyu ng tambak na basura.
“So, tingin ko hindi darating doon sa hantungan na iyon pero ano? If, the remote possibility nga as you say hypothetically mangyari iyon, magkakaroon na ng impact iyon pagdating sa time na iyon lalo na kung mawalan din ng confidence iyong mga Canadian companies. Again, it’s a Big If, I’m not saying na pero sa tingin ko hindi mangyayari iyon,” giit pa ni Lopez.
377