Itinutulak sa Kamara GURO 6 ORAS LANG DAPAT MAGTURO

UPANG mabawasan ang stress ng public school teachers at magkaroon ang mga ito ng sapat na oras sa kanilang pamilya, lilimitahan sa anim na oras ang kanilang pagtuturo sa silid-aralan.

Ito ang nakasaad sa House Bill (HB) 7822 na inakda ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez.

“Teachers are the second parents of our children. They mold our children to become good and responsible persons. Their work site is not limited to the classroom,” paliwanag ni Rodriguez sa kanyang panukala.

Bukod aniya sa nakapapagod na pagtuturo sa napakalaking bilang ng mga estudyante sa isang classroom, kailangan pa nilang gumawa ng lesson plan, kausapin ang mga estudyante sa labas ng silid-aralan at iba pa.

Hindi pa aniya kasama rito ang iba pang trabaho na ibinibigay sa kanila ng principal o mas nakatataas sa kanila.

Sa ilalim ng panukala, magtatrabaho pa rin ng 8 oras ang public school teachers tulad ng mga karaniwang manggagawa subalit ang anim na oras ay para sa pagtuturo lamang habang ang natitirang dalawang oras ay para sa paggawa ng kanilang lesson plan.

Naniniwala ang mambabatas na makatutulong ito para mapabuti ang pagtuturo ng guro na sa huli ay ang mga estudyante ang magbebenepisyo. (BERNARD TAGUINOD)

80

Related posts

Leave a Comment