(NI BETH JULIAN)
PINAGSABIHAN na ng Malacanang si Philippine ambassador to Japan Jose Laurel matapos ihayag na pabuya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsama sa Japan ng karamihan sa mga Cabinet members dahil sa pagkakapanalo umano ng karamihan sa mga kandidato ng administrasyon nitong nagdaang halalan.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra, tumatayong caretaker o OIC ng bansa, hindi pa nito masabi kung kailangang disiplinahin pa ng Pangulo o ni Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin si Laurel.
Ayon kay Guevarra, hihintayin pa muna niya ang ilan pang development kaugnay dito.
Gayunman, itinuwid ng Malacanang ang maling akala ni Laurel na pabuya sa Gabinete ang pagsama sa Japan.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, pinagbawalan ng Pangulo ang kanyang mga Cabinet official na mangampanya para sa mga kandidato ng administrasyon kaya walang dahilan para bigyan sila ng reward.
Ayon kay Panelo, posibleng hindi sinasadyang nakapagbitiw ng ispekulasyon si Laurel dahil hindi nabigyan ng tamang impormasyon hinggil sa pangagailangan ng presensya ng Gabinete sa biyahe sa Japan.
“He has already been rebuked by the Palace. Let’s wait and see if there’ll be any further action by the president or by the SFA, ” pahayag ni Panelo.
Binigyan-diin ni Panelo na ang Japan ang ikalawang trading partner ng Pilipinas dahil malaki ang naiambag nito sa pag-unlad ng mga infrastructure sa Pilipinas at sa pagpapanatili ng kapayapaan at pag-unlad sa Mindanao.
Dahil dito, mahalaga para sa Pangulo ang presensya ng karamihan sa kanyang mga Gabinete, na hindi lamang para sa pagbibigay respeto sa matagal nang kaalyado ng bansa kundi maging sa pagpapalakas pa ng kooperasyon sa pagitan ng dalawang pamahalaan.
Naniniwala si Panelo na makakamit lamang ito sa pamamagitan ng palagiang diyalogo ng Cabinet members sa kanilang counterpart sa Japan.
126