JOINT SENATE-HOUSE PROBE SA ABERYA SA NAIA

MATAPOS malagay sa malaking kahihiyan ang Pilipinas bunsod ng kapalpakang humantong sa pagkaparalisa ng operasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa unang araw ng 2023, iminungkahi ng isang kongresista ang malaliman at sabayang imbestigasyon ng Senado at Kamara de Representantes.

“An incident as massive as this service outage at NAIA air traffic control deserves a joint Senate and House investigation,” ani House deputy minority leader Bernadette Herrera, kasabay ng giit para sa isahang aksyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

Higit pa aniya sa kahihiyan, nalagay rin sa peligro ang buhay ng tinatayang 56,000 pasaherong apektado at pagkabalam ng tone-toneladang kargamento sa pagpalya ng Communications, Navigation and Surveillance/ Air Traffic Management (CNS/ATM) system sa nasabing paliparan.

Nalagay rin aniya sa kompromiso ang industriya ng turismong pinagsisikapan ibangon ng pamahalaan matapos ang mahigit dalawang taong tigil operasyon bunsod ng pandemya.

“We need to see the authenticated copies of all maintenance logs, personnel logs, and CCTV logs of all the outage-affected equipment. We are particularly interested in whether the many lightning storms these past months affected any of the facilities and equipment involved in the service outage,” ayon pa sa mambabatas.

Samantala, ikinasa na rin ni House Committee on Good Government and Public Accountability chairperson Rida Robes ang isang resolusyon para imbestigahan ang tinawag na “technical glitch” na nauwi sa shutdown sa operasyon ng buong NAIA ilang araw na ang nakaraan.

Para kay Robes, hindi katanggap-tanggap ang katwirang technical glitch lalo na’t ginastusan ng mahigit P10 bilyon ang naturang sistema mula sa buwis na binabayad ng mamamayan sa pamahalaan.

“Considering that the New CNS/ATM System was a JICA loan with funding as well from the general appropriations funds, the system should be in tiptop shape even though it is old,” ani Robes.

Lumabas din di umano’y walang contingency plan ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) kaya tumagal ang problema kaya kailangan aniyang itong imbestigahan.

Sa kaugnay na balita, “immediate replacement” ng buong Air Traffic System (ATS) ang solusyong inihain ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan.

Kabilang sa mga nagpahayag ng suporta sa isinusulong na “immediate replacement” ng buong ATS ang mga opisyales mula sa CAAP, Department of Transportation (DOTr), Department of Information and Communication Technology (DICT), Department of National Defense (DND), National Intelligence Coordinating Agency (NICA),at Intelligence Service of the Armed Forces (ISAF).

Kinatigan naman ni National Security Adviser Prof. Clarita Carlos ang kolektibong posisyon ng mga naturang ahensya. Aniya, higit na kailangan tiyakin ng pamahalaan ang isang epektibo at gumaganang pasilidad sa komunikasyon para sa seguridad ng bansa. (B. TAGUINOD/ F. MORALLOS)

29

Related posts

Leave a Comment