JO’S, CONTRACTUAL EMPLOYEES NGANGA SA SALARY INCREASE

SINITA ng mga kinatawan ng mga guro sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang mga economic managers ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dahil sa diskriminasyon sa mga job order at contractual employees sa salary increase.

Sa pagdinig ng House committee on appropriation sa P6.352 trillion pambansang pondo sa susunod na taon, sinabi ni ACT party-list Rep. France Castro na initsapwera ng gobyernong Marcos ang mga nabanggit na empleyado sa inilabas ng Executive Order (EO) 64 na magtataas sa sahod ng government employees.

“Discriminating,” paglalarawan ni Castro sa nasabing EO dahil hindi aniya kasama sa mga job order at contractual employees sa mga itataas ang sahod gayung pareho lamang umano ang trabaho ng mga ito sa mga regular employees.

Kabilang aniya sa mga hindi tataas ang sahod ang may isang milyong contractual empleyado ng Department of Education (DepEd) kaya hindi aniya makatarungan na iitsapwera ang mga ito sa salary increase.

Nagtataka si Castro dahil gumastos aniya ang gobyerno ng P48 million para pag-aralan ang pagtataas ng sahod ng mga government employees subalit hindi isinama ang mga nabanggit na empleyado.

Sa ngayon ay may 832, 813 “contracts of service and job order workers” sa buong bansa kung saan karamihan dito ay nakadeploy sa mga Local Government Units (LGUs) subalit hindi makakatikim ang mga ito ng salary increase sa ilalim ng nasabing EO 64.

Maliban dito, hindi rin nakasisiguro na matatanggap ng mga regular employees ng mga LGUs ang itinakdang salary increase sa nasabing EO dahil sa probisyon dito na “depende umano sa kanyang budget”.

“Sa tuwing gumagawa tayo ng salary increase, may ganitong discrimination. Violations ito sa equal work and equal pay,” paliwanag ng mambabatas.

Dahil dito, igiit ni Castro na dapat baguhin ang nasabing EO sa lalong madaling panahon upang maipatupad ang itinakdang increase sa lahat ng LGUs employees at isama ang mga contractual employees sa bibigyan na umento. (BERNARD TAGUINOD)

390

Related posts

Leave a Comment