Kababaihan pumapalag na rin BONGBONG PABAYA AT WALANG PLANO SA MAGSASAKA

(BERNARD TAGUINOD)

NAUUBUSAN na rin ng pasensya ang kababaihang magsasaka kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil sa pagpapabaya umano nito.

Wala ring nakikita ang Amihan National Federation of Peasant Women na plano si Marcos, para sa food security ng bansa dahil patuloy itong umaasa sa importasyon para magkaroon ng sapat na suplay ng pagkain ang mga Pilipino.

“Nananawagan ang Amihan na dapat magkaisa ang mamamayang Pilipino laban sa pagiging import-dependent ng bansa. Dapat batikusin ang NFA at DA laluna si Marcos Jr. bilang secretary na pabaya at walang planong isalba ang mga magsasaka at food security ng bansa,” ani Zenaida Soriano.

Ginawa ni Soriano ang pahayag dahil sa plano ng NFA o National Food Authority na mag-angkat ng 330,000 metrikong toneladang bigas para sa buffer stock sa kalamidad.

Patunay aniya ito na pinababayaan ni Marcos ang magsasaka dahil ang pag-aangkat na ito ay mangangahulugan ng pagbaba muli ng farmgate price ng aning palay.

Indikasyon din umano ito na walang plano ang Pangulo na tiyaking magkaroon ng food security sa bansa dahil sa tuwing may kakapusan ng suplay ay importasyon ang tugon ng kanyang ahensya imbes na paigtingin ang pagtulong sa mga magsasaka sa pamamagitan ng subsidiya upang maparami ang kanilang ani.

Dismayado rin ang grupo dahil sa kabila ng maigting na panawagang irebyu ang Rice Liberation o Tariffication Law na dahilan ng pagbaha ng imported na bigas at pagkalugmok ng mga lokal na magsasaka ay dedma ang Pangulo.

Sinabi ni Soriano na mula nang ipatupad ang nasabing batas noong 2019, P261 bilyon ang lugi ng mga magsasaka dahil sa napakababang farm gate price ng palay.

Magugunita na bumagsak sa P10 hanggang P12 ang presyo ng palay nang unang ipatupad ang batas na ito noong 2019 kaya nalugi ang mga magsasaka ng P261 bilyon at ngayong nakakabawi na sila dahil P18 hanggang P23 na ang presyo nito ay saka mag-aangkat ng bigas ang gobyerno.

183

Related posts

Leave a Comment