KADIWA STORE BUBUHAYIN

(NI NOEL ABUEL)

NAIS buhayin ni Senador Imee Marcos ang Kadiwa store sa Kamaynilaan na naglalayong matugunan ang kumakalam na sikmura ng mahihirap na pamilya dahil sa problema sa mataas na presyo ng bilihin.

Kasabay nito, nanawagan si Marcos kay Pangulong Rodrigo Duterte na suportahan ang Kadiwa store, na nakilala noong panahon ni dating pangulong Ferdinand Marcos.

Aniya, ang konsepto ng Kadiwa ay unang ginamit sa panahon ng administrasyong Marcos, isang paraan para matugunan ang problema sa mataas na presyo ng pangunahing bilihin
Sinabi ng senadora na sa kabila ng nararanasang pagbaba ng presyo ng bigas ay naghihirap pa rin ang marami dahil sa mataas pa rin ang bilihin.

“Kahit mura ang bigas at sinasabing mababa ang inflation, mahal pa rin ang ibang bilihin lalo na ang asukal, karne at iba pa. Malaking dagok ito sa mahihirap dahil halos 60% ng gastos nila napupunta sa pagkain,” ayon pa sa senador.

Naniniwala si Marcos na dahil iba ang presyo ng mga bilihin sa pangunahing kinakailangan ng mamamayan ay bibigyang diin ng Pangulo ang pagresolba sa isyung ito.

“Isa ang Kadiwa sa nakikita nating solusyon para matulungan ang maliliit nating mga kababayan. Sobrang mahal ng mga bilihin at malaking tulong kung bubuhayin muli ng Pangulo ang Kadiwa at ipakalat ito sa mga komunidad, partikular na sa mga depressed areas,” ayon pa kay Marcos.

Binigyang diin din ni Marcos ang pag-angkat ng pamahalaan nang direkta sa mga pabrika o manufacturer pati na ang pagbili ng gulay sa mga magsasaka, isda sa mga mangingisda, at maging sa mga hog at poultry raiser ay makatutulong nang malaki para maibsan ang hirap na dinaranas ng mamamayan.

Ayon sa senador, kailangang gawin ito sa sandaling tuluyang maging operational ang pagpapakalat ng Kadiwa store para hindi maabuso ng mga tiwaling traders o middleman ang mga pangunahing bilihin na ititinda sa Kadiwa.

“Kailangang umpisahan na kaagad ang Kadiwa store sa Metro Manila at sa mga susunod na araw ay sa buong Pilipinas na ito gawin. Siguruhin ding merong mabibiling NFA rice ang ating mga kababayan sa ipakakalat na Kadiwa,” pahayag pa ni Marcos.

Idinagdag pa ni Marcos na hindi lamang murang manok, isda, baboy, gulay at bigas ang dapat na mabibili sa Kadiwa kundi pati ang noodles na kalimitan ay pagkain sa hapag-kainan ng mga mahihirap na Pilipino.

Nakatakdang maghain ng resolusyon si Marcos sa susunod na araw na nagrerekomenda sa Pangulo na muling pagpapakalat ng Kadiwa store.

161

Related posts

Leave a Comment