KADIWA STORES TARGET GAWING PERMANENTE

TINITINGNAN ng administrasyong Marcos na gawing permanente ang Kadiwa stores, kung saan makabibili ang publiko ng murang agricultural products.

Sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA), sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpapatuloy ang pagtatatag ng Kadiwa Centers sa buong bansa, tinukoy ang pagiging epektibo ng naturang programa.

“Nagsilbing kaagapay ng taong-bayan ang Kadiwa sa panahon na mataas ang presyon ng pagkain. Dahil naging epektibo ito, ang mga Kadiwa Centers ay magpapatuloy pa,”ayon sa Pangulo.

“Katuwang ang mga lokal na pamahalaan, dinagdagan pa natin ang mga Kadiwa sa iba’t ibang panig ng bansa. Higit sa lahat, layunin nating gawing permanente at mas madalas pa ang pagdaraos ng mga Kadiwa,” aniya pa rin.

Layunin ng Kadiwa ay pag ugnayin ang mga magsasaka at mga mamimili nang walang iba pang namamagitan, walang dagdag na gastos at patong.

Nauna rito, nabanggit ng Pangulo na plano nito na maglagay ng permanenteng Kadiwa stores sa iba’t ibang lokal na pamahalaan sa buong bansa kapalit ng pansamantalang pop-up stores.

Kasabay ito ng paglulunsad ng isang special Kadiwa outlet para sa mga manggagawa ng lungsod ng Quezon.

Ito ay tinawag na “Kadiwa ng Pangulo (KNP) Para sa Manggagawa” na matatagpuan sa Trade Union Congress of the Philippines head office.

Ayon sa Pangulo ito ay bahagi ng nagpapatuloy na pagpapalawig ng kadiwa centers sa buong bansa na layong mabigyan ng isang platform ang ating mga kababayang magsasaka, mangingisda maging ang maliliit na negosyo para mapataas ang kanilang income o kita sa pamamagitan ng direct farm-to-consumer trade.

Parte rin ito ng inisyatibo ng pamahalaan na maibsan at malabanan ang epekto ng mataas na inflation sa bansa. (CHRISTIAN DALE)

55

Related posts

Leave a Comment