KAHANDAAN NG GOBYERNO SA KALAMIDAD PINASISILIP

Sen Sherwin Gatchalian-3

SA kabila ng patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Taal, naghain si Senador Win Gatchalian ng isang resolusyon upang magkaroon ng isang pagdinig sa pagpapatupad ng Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010 o Republic Act 10121.

Ayon kay Gatchalian, mahalaga ang gagawing pagdinig upang mapalakas ang kahandaan at kakayahan ng bansa sa pagresponde sa mga sakunang tulad ng pagputok ng Bulkang Taal. Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, mahigit limampu’t tatlong libong (53,716) pamilya sa Batangas, Quezon, Laguna, at Cavite ang naapektuhan ng pag-alburoto ng bulkan. Nasa 29,424 sa mga pamilyang ito ang kasalukuyang nasa higit apat na raang (416) evacuation centers.

Pumalo na sa mahigit tatlong bilyong (3.2B) piso ang pinsala sa sektor ng agrikultura, ayon sa NDRRMC. Sa isang ulat naman ng United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs o OCHA, mahigit walong (8) milyong mag-aaral mula sa halos walong libong (7,900) paaralan ang naapektuhan ng pagsuspinde ng klase at pagsasara ng mga paaralang tinamaan ng ashfall. May dalawampu’t isang libong (21,000) mga bata naman ang nananatili sa 14-kilometer danger zone sa paligid ng bulkan, ayon sa grupong Save the Children.

Naantala naman ang pag-aaral ng may sampung libong mag-aaral dahil mahigit isang libong (1,147) mga silid-aralan ang ginagamit bilang evacuation centers. Dahil dito ay nanawagan na ang DepEd sa paglipat ng mga evacuee upang makapagpatuloy na ng pag-aaral ang mga apektadong estudyante.

Nananatili sa Alert Level 4 ang Bulkang Taal kaya malaki pa rin ang posibilidad na magkaroon ng malaking pagsabog sa mga susunod na oras o araw. Simula Enero 12, mahigit pitong daang (714) pagyanig na ang naitala dulot ng pag-alboroto ng bulkan.  (ESTONG REYES)

153

Related posts

Leave a Comment