(NI BERNARD TAGUINOD)
KUNG sino ang susuportahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na kandidato sa speakership sa Kamara ang siyang magtatagumpay na mamumuno sa Kapulungan sa 18th Congress.
Ito ang sinabi ng isang mambabatas sa Kamara na hindi na nagpabanggit ng pangalan sa gitna ng “gapangan” ngayon ng mga kandidato sa speakership sa mga nanalong kongresista noong nakaraang eleksyon.
Base sa impormasyon na nakarating sa Saksi Ngayon, nangunguna na si Leyte Congressman-elect Ferdinand Martin Romualdez kung paramihan na ng supporters ang pagbabasehan.
Nabatid sa impormante na mayroon na umanong 126 congressmen ang nagpahayag na ng suporta kay Romualdez kumpara sa mga karibal na sina Taguig-Pateros Rep. Allan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Alan Velasco.
Upang masiguro ang panalo, kailangan ng mga nabanggit na makuha ng 152 boto mula sa 303 miyembro ng Kamara sa 18th Congress kasama na ang mga kinatawan ng mga party-list group.
Gayunpaman, sinabi ng source na hindi pa nakasisiguro si Romualdez dahil nakasalalay pa rin kay Duterte kung sino ang susuportahan ng mga kongresista.
“Kung hindi magsalita si President Duterte, baka si Romualdez na pero kung mayroon ibang gusto ang Presidente ay hindi siya (Romualdez),” ayon sa impormante.
Si Romualdez ay miyembro ng Lakas-CMD habang si Velasco ay kasapi sa administration party na PDP-Laban kung saan 83 District Congressmen ang kanilang naipanalo noong nakaraang eleksyon.
Kasapi naman sa Nationalista Party (NP) si Cayetano na mayroong 43 miyembro sa Kamara sa 18th Congress at running mate ni Duterte noong 2016 presidential election.
167