Kahit nababalahura PARTY-LIST SYSTEM ‘DI DAPAT BUWAGIN

AMINADO ang isang miyembro ng Makabayan bloc sa Kamara na nababalahura na ang party-list system sa bansa subalit hindi ito pabor na buwagin, sa halip aamyendahan lamang aniya ang sistema.

Ginawa ni ACT party-list Rep. France Castro ang pahayag matapos aminin ni Sen. Ronald dela Rosa na isa sa nais nitong iabolish sa ilalim ng isinusulong na Charter change ay ang party-list system.

“The party-list system should not be abolished but the law should be amended to ensure that it is genuine party-list groups from the truly marginalized and under represented are the ones who get registered and elected,” ani Castro.

“Nabalahura na talaga ang party-list system sa bansa na maging mga galing sa political dynasties, mga multi-bilyonaryo at mga dummy ng pamahalaan o makapangyarihang indibidwal ay nakapasok na dito,” dagdag pa nito.

Hindi na nagbanggit ang mambabatas ng pinatutungkulang party-list na nakakuha ng upuan ngayong Kongreso subalit marami sa mga ito ay mayayaman at hindi maituturing na mula sa marginalized sector.

Marami ring party-list ang pinatatakbo ng political clans subalit tumanggi rin ang mambabatas na magsabi kung alin ang mga ito sa mga nakaupo ngayon 19th Congress.

Kaya pabor ang mambabatas na amyendahan ang batas lalo na’t iilan na lamang aniya ang tunay na kumakatawan sa mahihirap na at nakikipaglaban para sa kapakanan ng taumbayan.

“Dapat ibalik sa tunay na layunin at espiritu ng batas ang pagpapatupad nito at kaya itong gawin na ‘di dumadaan sa Charter change,”ani Castro.

Samantala, naisalang na sa debate para sa ikalawang pagbasa ang House Resolution of Both Houses No. 6 na naglalayong magpatawag ng Constitutional Convention (ConCon) na siyang mag-aamyenda sa 1987 Constitution.

Umapela naman ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr. na isama sa deliberasyon ang panukala ni dating Supreme Court (SC) Chief Justice Reynato Puno na pagtalaga ng mga non-elective ConCon delegates.

“I’m proposing that the con-con be composed of 51 delegates with three delegates elected per region and 40 delegates to be appointed by a committee composed of the President, the Vice President, the Chief Justice, the Senate President and the Speaker “who shall elect among themselves who shall be the chairman of the committee on appointments,” ani Barzaga. (BERNARD TAGUINOD)

160

Related posts

Leave a Comment