KAKULANGAN NG SENIOR CITIZENS COMMISSION BUBUSISIIN NGAYON

ISASAGAWA ngayong araw sa Kamara ang pagdinig sa mga pagbubunyag ni Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo ‘Ompong’ Ordanes sa mabagal na pagkilos ng National Commission of Senior Citizens (NCSC).

Magugunita na noong nakaraang buwan, sa kanyang privilege speech, ibinahagi ni Ordanes ang sa kanyang mga palagay ay pagkukulang at mabagal na pag-aksyon ng NCSC, na pinamumunuan ni Chairman Franklin Quijano.

“Dalawang taon na ang nakakalipas nang mabuo ang NCSC ngunit wala pa rin nangyayari sa dapat na paglilipat ng mga responsibilidad sa NCSC mula sa Department of Social Welfare and Development,” diin ng namumuno sa House special committee on senior citizens.

Pagdidiin ni Ordanes, binabaha ang kanyang opisina ng mga sumbong at reklamo mula sa senior citizens, kanilang mga organisasyon, maging mula sa NCSC.

“May mga sumbong at reklamo ng conflict of interest, grave abuse of discretion amounting to lack or excess of jurisdiction, and negligence in the performance of duty,” ayon sa mambabatas patungkol kay Quijano.

Dagdag pa nito, may sumbong na pinapaboran ni Quijano, gayundin ni Comm. Rey Mansilungan, ang Senior Citizens Welfare Asso. of the Phils (SCWAP) at hindi binibigyan pansin ang DSWD-accredited Federation of Senior Citizens Asso. of the Phils. (FSCAP).

Dagdag pa ni Ordanes, labis niyang ikinalulungkot ang mga nangyayari sa komisyon dahil ang kanilang party-list ang nagsulong ng panukala para matatag ang komisyon sa ilalim ng nagdaang administrasyong-Duterte.

Sa kanyang talumpati, hiniling na rin ni Ordanes kay Quijano na magbitiw na lamang sa posisyon at ipaubaya ito sa may tunay na kakayahan at malasakit sa nakatatandang populasyon ng bansa.

“Chairman Quijano, if you can not fix the Commission by the end of this year, sana po magkaroon kayo ng delicadeza na ibigay na lang sa iba ang liderato nito,” sabi pa ng mambabatas.

17

Related posts

Leave a Comment