KALBARYO NG COMMUTERS SIMULA SA ENERO 1

KAILANGANG maghanda ang mga commuter dahil simula Enero 1 sa susunod na taon ay mararamdaman na ng mga ito ang negatibong epekto ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Ito ang tinuran ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel sa kanyang privilege speech kung saan sinabi nito na simula sa Huwebes, ay magkakaroon muli ng tigil-pasada dahil ayaw iatras ng gobyerno ang December 31, 2023 deadline sa konsolidasyon ng prangkisa ng mga pampasaherong jeep.

“Tatagos ang epekto ng PUV Modernization Program hanggang sa mga komyuter kung libo-libong jeep na di nag-consolidate ang pagbabawalan nang pumasada by new year. Kukulangin tayo ng mga PUV at makikita na naman natin ang mga mahahabang pila ng mga komyuter na mahihirapan na namang sumakay,” ani Manuel.

Sinabi ng mambabatas na lahat ng mga Public Utility Jeep operators at drivers na hindi sumali sa kooperatiba ay hindi na makabibiyahe kaya inaasahan aniya na kukulangin ang pampasaherong sasakyan sa mga lansangan simula Enero 1.

Bukod sa pahirapan na ang pagsakay, inaasahan na lolobo pa ang gastos ng commuters dahil mapipilitan ang mga ito na sumakay sa iba pang PUV na mas mahal ang pamasahe kasama na ang mga modernong jeep.

Tinawag din ng kongresista na scam ang PUVMP dahil maaagaw na aniya ng mga korporasyon sa mahihirap na tsuper at operators ang transportasyon sa bansa at maaari na nilang diktahan ang pamasahe.

“Imbes na paunlarin, parang lalong nilulugmok pa ng programang ito ang mamamayan sa krisis sa transportasyon. Kawawa po dito ang mga estudyante at young professional na makakailang sakay, titiisin ang trapik, para lang makapasok sa eskwela o trabaho. Pagbabayarin ang taumbayan ng napakamahal na singil hindi para sa matinong serbisyo, pero para sa tubo ng iilan,” pahayag pa ni Manuel.

Dahil dito, umapela ang mambabatas sa kanyang mga kasamahan sa Kongreso na ipatigil ang PUVMP dahil isa aniya itong scam tulad ng Maharlika Investment Fund (MIF) na ang makikinabang ay ang mayayaman at hindi ang ordinaryong mamamayan.

(BERNARD TAGUINOD)

151

Related posts

Leave a Comment