(NI BERNARD TAGUINOD)
KUNG mayroong humaharang sa build-build-build program ni Pangulong Rodrigo Duerte, ito ay walang iba kundi ang mga senador at hindi ang Mababang Kapulungan ng Kongreso. Ito ang sagot ng liderato ni dating pangulo at ngayo’y House Speaker Gloria Macapagal Arroyo sa alegasyon ng Senado na sila ang humaharang sa mga programa ni Duterte dahil sa usapin ng 2019 national budget.
“Ang Senado at hindi ang House of Representatives ang humaharang sa mga programa ni Pangulong Duterte, lalo na sa kanyang Build Build Build program,” pahayag ni House appropration committee chairman Rolando Andaya Jr.
Ayon sa mambabatas, ang Senado ang nagkaltas ng 12 bilyon ng Departement of Public Works and Highways (DPWH) at karagadagang P5 bilyon sa Department of Transportation and Communication (DOTr) na laan sa right of way para sa mga proyektong itatayo ni Duterte sa ilalim ng BBB program.
Hindi umano mauumpisahan ang mga proyekto ni Duterte dahil inalis ng mga senador ang nasabing halaga sa dalawang nabanggit na departamento kaya ang mga senador umano ang hadlang sa BBB.
“Paano mauumpisahan ang mahahagalang proyekto ng Pangulo kung wala ang pondong ito? Ang malala pa, hindi sinabi ng Senado kung saan nila inilagay ang mga pondo na ito,” ani Andaya.
Sinabi naman ni House majority leader Fred Castro na matagal nang pinatunayan ni Arroyo na hindi ito hadlang sa liderato ni Duterte dahil ang dating pangulo umano ang nagsulong sa mga agenda ng Pangulo sa Kongreso.
131