‘KAMAY NA BAKAL’ NI BBM LUSAW SA SMUGGLERS

SMUGGLED RICE-5

(CHRISTIAN DALE)

HINDI kinagat ng publiko ang pahayag ng Malakanyang na gagamitan na ng buong pwersa ng pamahalaan ang ilegal na operasyon ng mga rice smuggler sa bansa.

Komento sa social media, maniniwala lang ang publiko na seryoso si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na puksain ang mga smuggler kung may mahuhuli at maparurusahan sa mga ito.

“Labas mo muna yung mga smugglers na nagtatago pati mga kakilala nyong protektor ng mga smugglers bago magpapogi gamit ang smuggled na bigas BONGBONG MARCOS
Kundi, nagpapaka Robin Hood lang kayo. Parang ninakawan nyo lang ng bigas yung mga warehouse para ipamigay ng libre,” ayon sa isang netizen.

May isa pang nagkomento na: Pinagtatawanan k lng ng mga smugglers at hoarders, di mo nga mapangalanan.

Halos iisa ang argumento ng mga netizen na hindi uubra ang banta ni Marcos sa mga smuggler.

“walang kahirap hirap. Tandaan confiscated smuggled bigas ang pinapabahagi. Pero walang rice smugglers ang napaparusahan. Expect nyo magcocontinue ang smuggling ng agricultura. Expect nyo rin ang problema nyo magpapatuloy,” komento pa ng isang netizen.

Sa naging talumpati ni Pangulong Marcos sa pamamahagi ng bigas sa Sta. Ana, Maynila kahapon ay sinabi nito na handa niyang pakilusin ang buong pwersa ng pamahalaan para tapusin ang ilegal na operasyon ng pagpupuslit ng bigas.

Makakaasa aniya ang taumbayan na hindi titigil ang gobyerno na lansagin ang mga smuggler at hoarders na nagpapahirap sa mamamayang Pilipino.

Sa kabilang dako, ipinag-utos ng Punong Ehekutibo sa mga kinauukulan na tiyaking naipatutupad nang buong higpit ang batas at polisiya na may kinalaman sa usapin ng bigas.

Muli ring siniguro ni Marcos Jr. na hindi problema ang suplay ng bigas sa bansa.

Bubulukin sa Bilibid

Samantala, isinulong sa Kamara ang mabigat na parusa sa mga smuggler, hoarders at price manipulators ng mga produktong agrikultura.

Layon ng House Bill (HB) 9284 na pinagtibay sa ikalawang pagbasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso at nakatakdang ipasa sa ikatlo at huling pagbasa sa darating na October 1 na habambuhay mabulok sa New Bilibid Prison (NBP) ang mga nagsasamantala sa mga agricultural product.

Aamyendahan ng nasabing panukala ang Republic Act (RA) No. 10845 o Anti-Agricultural Smuggling Law of 2016 kung saan 40 taon na ang magiging parusa sa mga smugglers, hoarders, cartel, profiteers at price manipulators mula sa kasalukuyang 20 taon lamang.

Maging ang mga kasabwat ng mga ito tulad ng may-ari ng mga bodegang pinag-iimbakan ng kanilang produkto, cold storage, nagpapaupa sa kanila ng mga sasakyan at iba pa para sa kanilang operasyon ay idadamay sa kaso at maaaring makulong mula 20 hanggang 30 taon.

Kasama rin sa makakasuhan ng economic sabotage ang mga kasabwat ng mga ito sa gobyerno na bukod sa 40 taon pagkakabilanggo ay sisibakin sa kanilang trabaho at aalisan ng karapatang bumoto sa anomang eleksyon.

“This is because we want to send a chilling effect on these cartels that have been operating for decades now.

We really mean business this time. And our primary task here is to protect the welfare of the masses – provide them with the most affordable goods in the market,” paliwanag ni House Speaker Martin Romualdez sa inaprubahang panukala.

Ang nabuong panukala ay resulta ng imbestigasyon ng House committee on agriculture and food na pinamumunuan ni Quezon Rep. Mark Enverga sa hoarding at price manipulation sa sibuyas noong nakaraang taon na naging dahilan kaya umabot ang presyo nito sa P750 kada kilo.

(May dagdag na ulat si BERNARD TAGUINOD)

99

Related posts

Leave a Comment