(NI ALAIN ALEJ)
HINIMOK ng Kagawaran ng Agrikultura ang mga nag-aalaga ng baboy na huwag nang pakainin ng ‘swill’ o kanin-baboy ang kanilang mga alaga dahil maaari umano itong pagmulan ng microorganisms na pinagmumulan ng sakit, kasunod ng mga napabalitang pagdami ng mga namamatay na baboy sa mga backyard farms.
Nakasaad ito sa inisyu ni Agriculture Secretary William D. Dar na DA Administrative Order (AO) No. 4, na nag-aatas sa lahat ng Provincial and Municipality/City Veterinary and Agricultural Offices sa buong bansa na mahigpit na ipatupad ang food safety measures at quarantine procedures.
“Everything’s under control and we will keep it that way,” paniniyak naman ng Kalihim.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), upang matiyak ang kaligtasan ng pagkain, ang mga hayop na kakatayin sa mga slaughterhouses ay susuriin ng mga kawani ng Bureau of Animal Industry (BAI) kung may lagnat o anumang senyales ng sakit.
Ang mga hayop na mayroong sakit ay agad na ‘ididispatsa’ alinsunod sa mga panuntunan ng BAI.
Bilang bahagi ng quarantine procedures, ipinagbabawal ng DA ang pabibiyahe ng mga buhay na hayop, meat products and by-products nang walang kasamang Veterinary Health Certificate mula sa lisensyadong beterinaryo at relevant shipping permit mula sa BAI.
Iniatas din ng Kagawaran ang pagkakaroon ng checkpoints sa lahat ng entry at exit points sa lahat ng probinsya
Nakasaad din sa nasabing order na lahat ng veterinary at agricultural officers ay dapat na dagling iulat ang anumang kakatwang pagkamatay ng mga baboy at kung kinakailangan ay turuan ang mga magbabababoy ukol sa Good Animal Husbandry Practices at isagawa rin ang mga biosecurity measures gaya ng paglalagay ng footbaths, regular disinfection ng mga farms, pagbabakunA at deworming.
Dagdag pa ng Kagawaran, bilang garantiya ng kalidad sa publiko, lahat ng karne at produktong karne ay nararapat na mayroong meat inspection certificate (MIC) mula sa National Meat Inspection Service (NMIS) o lokal na pamahalaan.
Ang mga naturang certificates ay nararapat na nakapaskil sa istante ng mga tindero ng karne at kapag walang MIC ay ituturing na “hot meat” ang karne at ididiispatsa ng BAI.
Maghihigpit din sa monitoring ng mga kawani ng BAI sa mga NMIS accredited cold storage warehouses, lahat ng NMIS slaughterhouses, at lahat ng locally registered meat establishments.
Ipinatutupad na sa kasalukuyan ang ‘No Veterinary Health Certificate No Slaughter Policy’ at ‘on-hold’ status sa lahat ng mga hayop na pinagsususpetsahang maysakit sa buong bansa.
526