MAKAKAMIT lamang ang pag-unlad ng sektor ng agrikultura kung magkakaisa ang mga lider ng mga magsasaka.
Pahayag ito ni dating Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Bernie Cruz.
Kasabay nito, itinanggi ng dating kalihim na plano niyang maging kinatawan o nominado ng Magsasaka party-list tulad ng napabalita kamakailan.
Ani Cruz, ang tanging hangarin niya sa kasalukuyan ay makatulong sa sektor ng mga magsasaka.
Sa panayam kay Cruz na dati ring PCA Administrator, sinabi nito na kahit wala siya sa puwesto sa kasalukuyan, ang mahalaga sa kanya ay matulungan ang mga magsasaka na maiangat ang kabuhayan na matagal na panahon niyang pinagsilbihan kahit noong student leader activist pa siya sa kolehiyo.
“Ang mahalaga sa akin sa ngayon ay matulungan ang mga magsasaka upang matiyak natin ang food security sa bansa,” ayon pa kay Cruz.
Naglabas ng kanyang saloobin si Cruz matapos maiulat sa ilang pahayagan na posibleng makaupo ang mga naglingkod na gabinete ni dating Pangulong Rodrigo Duterte (kabilang siya) bilang party-list representative kapag hindi naiayos ang gusot sa loob ng Magsasaka party-list partikular ang agawan sa liderato.
Nagsimula ang internal dispute sa Magsasaka Party-list noong taong 2022 na pinangungunahan ng grupo ni Atty. Argel Cabatbat at Soliman Villamin Jr. na nagtunggali para sa National Chairperson ng grupo.
Sa panayam, binanggit din ni Cruz na kahit kailan ay hindi siya nasangkot sa katiwalian at hindi nagkaroon ng anomang kaso na may kaugnayan dito.
“Hindi ako nasangkot sa anomang kaso ng katiwalian,” paliwanag pa ni Cruz. (PAOLO SANTOS)
93