MGA dambuhalang kapitalista lang – at hindi ang mga ordinaryong Pilipino – ang mananamasa nang husto sa isinusulong na amyenda sa Build-Operate Transfer – Private-Public Partnership (PPP) law ng mayorya sa Kamara.
Partikular na tinukoy ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang House Bill 6527 na binalangkas at pinagtibay noong nakaraang Disyembre 15 ng 254 kongresista sa paniwalang mabibigyan solusyon ang lumalalang problema sa transportasyon.
Ayon kay Brosas, wala umanong garantiya na maiibsan ang suliranin sa transportasyon sa planong pagsipa ng kabi-kabilang proyekto at programa sa larangan ng imprastraktura, sabay banggit sa araw-araw na sakripisyo ng commuters sa tuwing sasakay sa mga tren ng Metro Rail Transit (MRT) – 3.
“Mahaba na ang mapait na karanasan ng mamamayang Pilipino kaugnay ng PPP projects kabilang ang MRT-3, na simbolo ng kabiguan ng private companies na paunlarin ang kalidad ng mass transport sa bansa, at ang paghuthot ng tubo sa dapat na pampublikong serbisyo,” litanya ng militanteng kongresista.
Sa kanyang paghihimay sa kinontrang HB 6527, isiniwalat din niya ang di umano’y pagkiling ng panukala sa mga kapitalista sa aspeto ng toll fee, pasahe at ibang ikakarga sa mga mananakay.
Bahagi rin aniya ng pagkiling ng nasabing panukalang batas ang probisyong mistulang kalasag ng mga kapitalista laban sa court order at injunction ng mga husgado.
“Instead of strengthening and further institutionalizing PPPs, we should move towards state-owned mass transport systems and social projects with the national government fully accountable over the delivery of social services and operations and management of transport systems.”
Nauna rito, inihayag ng Palasyo na layon ng pamahalaan na ituon ang pansin sa public-private partnerships para sa infrastructure at local projects sa susunod na taon.
Base sa National Economic and Development Authority’s (NEDA) year-end report, sinabi ni Press Undersecretary Cheloy Garafil na gagawin ng administrasyong Marcos para mapalakas ang ekonomiya at paglikha ng hanapbuhay.
“NEDA plans to steer the implementation of the Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028, pursue its advocacy, and monitor the progress of plan implementation vis-à-vis targets,” ayon kay Garafil.
Noong nakaraang linggo, inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang Philippine Development Plan, magbabalangkas sa economic goals at estratehiya ng bansa sa ilalim ng kanyang termino.
“NEDA will also start the programming of national projects through an Investment Coordination Committee (ICC) appraisal and finalize the Regional Development Plan,” ani Garafil.
Bukod sa mga ito, isasapinal din ng NEDA ang Public Investment Program (PIP) para sa 2023-2028 at ang 3-year Rolling Infrastructure Plan (TRIP) na itinakda para sa 2024-2026. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
